EDITORYAL – Dahil sa katiwalian at kapabayaan, kaya maraming namamatay
LABINDALAWA ang namatay sa gumuhong pader sa ginagawang warehouse sa Bgy. Ilang-ilang, Guiguinto, Bulacan, kahapon. Kabilang sa mga namatay ang isang buntis at isang bata. Nagpapahinga umano sa barracks ang mga trabahador nang biglang bumagsak ang pader at nadaganan ang mga biktima. Karamihan sa mga biktima ay namatay on the spot. May ilang nadala sa ospital pero namatay din. May ilan ding nasugatan sa trahedya.
Maraming sinisisi sa nangyari at isa na ang contractor ng warehouse. Ayon sa report, mali ang pagpapagawa ng pader sapagkat mag-isang tinayo na wala man lamang suporta. Dapat daw sabay-sabay itatayo ang pader para may suporta ito.
Isinisi rin kung bakit sa lugar na malambot ang lupa nagtayo ng pader. Bumigay umano ang pader dahil hindi kinaya ng lupa ang pader na halos napalitadahan na.
Sinisisi rin ang kawalan umano ng matibay na pundasyon kaya mabilis na nagiba ang pader. Wala raw mga bakal kaya agad nagiba.
Marami pang sinisisi sa pangyayari pero ang tila nakakalimutang itanong ay kung may building permit ang ginagawang bodega. Kung walang building permit ang naguho, tiyak na nagkaroon ng lagayan dito. Malaking pera ang sangkot sapagkat hinayaang maitayo ang bodega na walang kaukulang permit. Dapat pagbayarin ang mga opisyal na nagpapalusot at tumatanggap ng pera para madaling matapos ang proyekto.
Katiwalian at kapabayaan ang nakikitang dahilan kaya bumagsak ang pader. Dapat pagbayarin nang mahal ang mga nag-apruba sa konstruksiyon. Huwag silang patawarin.
- Latest