KAPAG ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya, pinangako ng Panginoon na Siya na ang bahala sa iba. Nagpapadala Siya ng mga taong maaaring makatulong at pati na rin ng mga institusyon na masasandigan tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na tumutulong sa mga pangangailangang medikal at pinansiyal, may isa pang gahiganteng tanggapan ng gobyerno na tahimik lamang na gumagawa ng kanilang parte para sa mga mahihirap na sektor ng ating lipunan.
Sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga residente mula sa mga pinakamahirap na probinsiya sa ating bansa ay makakukuha ng murang technical vocational trainings dahil ang PAGCOR at TESDA ay inilunsad ang Mobile Training Laboratories (MTL) Project. Layon ng MTL na ang mga kababayan natin mula sa mga lokal na probinsiya ay mabigyan ng teknikal at praktikal na kasanayan at kung paano sila makapagsisimula ng maliit na negosyo. Ito ay bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na makabuo at maghatid ng isang pagsasanay na naka-base sa komunidad para sa mga unreached at underserved na sektor ng lipunan.
Noong ika-6 ng Enero, pormal na ipinahayag ng PAGCOR ang kanilang suporta sa programang ito sa pamamagitan ng pagpirma ng memorandum of agreement kasama ang TESDA. Nagbigay ang PAGCOR ng 50 milyong piso bilang pondo para sa pagsisimula ng proyekto. Bahagi naman ng TESDA ang isakatuparan ang proyekto. Ayon sa PAGCOR Chairman at CEO Cristino Naguiat, Jr., ang ahensiya ay muling nakipagtulungan sa TESDA dahil naniniwala sila na kapag nadebelop ang kasanayan ng mga kababayan natin mula sa mga lugar na ito, uunlad ang kanilang ekonomiya at masusuportahan na nila ang kanilang pangangailangan. “Ito ay makakatulong na mapabuti ang kanilang kalagayan. Sa kasamaang-palad, maraming mga Pilipino mula sa malayong komunidad ang nananatiling mahirap dahil walang sapat na kasanayan at kaalaman upang makakuha sila ng magandang trabaho. Sa pamamagitan ng proyektong ito, umaasa kami na matulungan ang mga lokal na komunidad at ang mga residente nito nang sa gayun makapag-ambag sila sa pag-unlad ng kani-kanilang lugar,” wika ni Naguiat.
Samantala, ayon kay TESDA Secretary Joel Villanueva ang mobile training facility ng TESDA ang pinaka epektib na paraan upang makapagbigay ng pagsasanay sa mga Pilipino. “Noong tinalakay ni President Aquino ang tungkol sa inclusive growth, importante na magsimula sa mga komunidad. Nagpapasalamat kami sa PAGCOR, sa pagbibigay sa amin ng pagkakataon na maisakatuparan ang programang ito at mailapit sa ating mga kababayan,” dagdag ni Villanueva.
Ayon kay Secretary Vilanueva, maraming lugar sa Pilipinas ang walang paaralang pang kolehiyo at teknikal vocational schools. “Maraming oportunidad ang magbubukas kapag nabigyan ang komunidad ng technical vocational courses. Pagkatapos ng isang araw, mas magiging makabuluhan yung kanilang experience. Sa ganitong klase ng programa, masisiguro namin sa kanila na kaya nilang tumayo sa sarili nilang paa. World-class ang mga trainings na ibibigay natin sa kanila,” wika ni Villanueva.
Dagdag pa niya, inaasahang 23, 100 ang mapagtatapos kada taon sa pagpapatupad ng MTL project sa buong bansa. “Nagpapasalamat kami sa PAGCOR for stepping up at sa pagbibigay sa amin ng oportunidad na i-promote ang programa. Higit sa lahat, yung maka-access sa kaalaman at teknolohiya ang ating mga kababayan. Ang masayang pagbabago na ito ay magbubunga ng mas mabuting hinaharap para sa susunod na henerasyon.” ani Villanueva.
Hindi katulad ng iba pang government training programs, ginamit ng MTL ang mobile training facilities na madaling maililipat mula sa isang lugar papunta sa isa pa. Ang bawat MTL ay may kumpletong training tools (curriculum, learning materials, assessment tools, at iba pa…) multimedia equipment at accessories. Sa pamamagitan ng mobile training facilities, ang mga partisipante ay makakatipid sa pamasahe at allowance. Hindi na nila kailangang lumayo sa kanilng pamilya habang nagsasanay. Ilan sa mg training na maaari nilang makuha ay ang Appliance Repair, Cellphone Repair, Plumbing, Electrical Installation and Maintenance, Small Engine Repair, Cookery, Bread and Pastry and Food Processing. Ang proyekto ay una munang ipapatupad sa sampung pinaka mahirap na probinsiya sa bansa, kasama dito ang Apayao, Masbate, Eastern Samar, Northern Samar, Zamboanga del Norte, Camiguin, Northern Cotabato, Saranggani, Lanao del Sur at Maguindanao. Di magtatagal ang proyekto ay lalago sa iba pang probinsiya. Bukod sa MTL project, ang PAGCOR at TESDA ay magkatulong na rin sa Pinoy Bayanihan Project na may layon na gawing school desks at armchairs ang mga iligal na troso na nakumpiska ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ibabahagi sa mga pampublikong paaralan.
Pinasalamatan ni Secretary Villanueva ang PAGCOR sa patuloy na pagtulong sa TESDA.
“Palaging sinusuportahan ni Chairman Naguiat ang aming mga proyekto. Ang Pinoy Bayanihan Project ay isang tagumpay, sa ngayon ay nakapag-produce na ng mahigit 60,000 armchairs mula sa mga nakumpiskang iligal na troso. Hindi ito matutuloy kung wala ang PAGCOR. Ito ang major partner ng TESDA para mag-provide nitong mga equipment at nakakatuwa dahil maraming mga magagandang istorya ang narinig namin mula sa mga pamilya ng benepisyaryo,” dagdag nito. (KINALAP NI I-GIE MALIXI)