MAY isang lugar sa Venezuela na halos araw-araw nakakaranas nang matitinding pagkulog at pagkidlat.
Ang kakaibang panahon na ito ay nagaganap malapit sa lawa ng Maracaibo at dahil dito, dinadayo na ito ng mga turista na gustong makasaksi sa walang tigil na pagkulog at pagkidlat sa nasabing lugar.
Umaabot sa 300 araw taon-taon nangyayari ang mga matitinding pagkulog at pagkidlat sa Maracaibo. Tumatagal naman ng 10 oras ang mga pagkulog at pagkidlat. Tinatayang may 28 pagkulog at pagkidlat ang nagaganap sa loob ng 1 minuto.
Dahil sa dalas at dami ng mga pagkulog at pagkidlat ay laging nagliliwanag sa Maracaibo kahit gabi na. Kitang-kita rin ang mga ito kahit malayo kaya minsan ay nagsisilbing parola (lighthouse) na ang mga kulog at kidlat ng Maracaibo para sa mga mangingisda na nangangailangan ng gabay ng liwanag para sa kanilang paglalakbay sa gabi.
Sinasabing ang paghahalo nang mainit na hangin mula sa kalapit na kapatagan at ng malamig na hangin mula sa lawa ang sanhi ng matinding pagkulog at pagkidlat sa Maracaibo. Maari rin na ang methane na mula sa mga latian ang sanhi ng kakaibang panahon sa lawa.
May panganib namang baka matigil na ang pagkulog at pagkidlat sa Maracaibo dahil sa climate change. Noong 2010 kasi ay 6 na linggong naging tahimik sa lawa bago ito bumalik ulit. Sinasabing El Niño ang sanhi nito kaya nangangambang mga taga-Venezuela na baka sa paglipas ng panahon ay mawala na ang mga kulog at kidlat ng Maracaibo na itinuturing nilang isang national treasure.