EDITORYAL – Kawawa naman ang mga sumasakay sa MRT at LRT
ITINULOY din ng gobyerno ang taas-pasahe sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit (LRT) kahapon. Ito ang pasalubong ng gobyerno sa mga suking pasahero ng MRT at LRT. Tamang-tama sapagkat nang magpalit ang taon, nagpalit din o nagtaas ng pasahe ang MRT at LRT. Hindi pinakinggan ang kahilingan nang marami na huwag itaas ang pasahe. Ilang senador at kongresista ang mariing tumutol sa MRT, LRT fare hike. Kahapon, binulaga ang marami sa bagong pasahe ng MRT, LRT. Nasa 50 percent ang itinaas ng pasahe. Mabigat na pasalubong.
Hindi naman dapat itaas sa ngayon ang pasahe ng MRT at LRT sapagkat hindi maayos ang serbisyo ng mga ito. Walang problema kung magtaas ng pasahe, pero dapat namang tumbasan nang magandang serbisyo.
Saan naman nakakita na madalas magkaaberya ang MRT pero nagtaas pa ng pamasahe. Pinagtitiisan ng mga pasahero ang madalas na pagtirik habang nasa gitna ng biyahe. Wala lang mapagpilian kaya tinitiis na lang nila ang masamang serbisyo. Araw-araw ang mahabang pila para makakuha ng card. Idagdag pa ang pag-usok at pagkalas ng bagon at pabigla-biglang pagpreno ng operator. Ang matindi ay ang nangyari noong nakaraang Agosto nang sumalpok at lumampas sa barrier ang tren ng MRT sa EDSA-Taft Station. Sa lakas ng impact, 36 na pasahero ang nasugatan. Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, human error ang dahilan kaya lumampas sa barrier.
Tinatayang 500,000 ang sumasakay sa MRT araw-araw. Ganito karami ang nagtitiis sa masamang serbisyo. Katwiran ng mga sumasakay, pagtitiisan na nila sapagkat mas mabilis pa rin ito kaysa mga bus na dalawa hanggang tatlong oras natatrapik sa EDSA.
Nasaan naman ang konsensiya ng gobyerno na ipinagpilitan ang dagdag na pasahe sa publiko pero sobra namang pangit ng serbisyo. Bago naman sana magtaas, siguruhin na maayos ang serbisyo. Hindi naman sana nilinlang ang publiko sa pagtataas na ito.
- Latest