Halos lahat ata ng ahensiya ng gobyerno na itinuturing na regulator o tagapagbantay para sa interes ng publiko ay sablay at palpak sa kanilang tungkulin.
Ang tungkulin ng regulator ay magbantay at matiyak na mahigpit na ipinatutupad ang mga panuntunan na magtitiyak sa interes o kapakanan ng mamamayan.
Maraming halimbawa na lang ang sa kuryente, tubig, pamasahe sa mga pampublikong transportasyon na ilan sa mga pangunahing serbisyo na kailangan ng mamamayan.
Sa transportasyon tulad sa halaga ng pamasahe ay hanggang ngayon ay hindi pa rin naibababa ang singil sa pasahe sa mga bus, taxi at maging sa eroplano samantalang patuloy ang pagbagsak ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Baka umakyat na muli ang presyo ng langis sa world market ay hindi man lang maranasan ng publiko ang pagbaba rin sa singil sa pasahe sa mga bus, taxi at eroplano.
Hindi maramdaman ang mga regulator o ahensiya na nangangasiwa rito at napakabagal ang pagkilos o aksiyon.
Sa singil sa tubig ay hindi rin maayos ang regulator dahil agad na inaprubahan ang taas sa singil dahil daw sa foreign currency kaugnay ng pagbaba ng dolyar at paglakas ng piso.
Samantalang kapag bumaba ang halaga ng piso at umangat ang halaga ng dolyar ay tahimik naman ang mga sektor na tinatamaan ay ayaw namang mag-rollback sa singil.
Napakarami nang usapin sa bansa na dehado ang publiko dahil sa mga pagkukulang ng ahensiya na nagsisilbing regulator at protektor sa interes ng publiko.
Kung nagtratrabaho lang sana nang maayos ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at nabibigyan ng proteksiyon ang publiko ay wala sanang problema ang mamamayan.
Sana naman sa pagpasok ng Bagong Taon ay magkaroon na ng makatotohanang reporma at pagbabago sa gobyerno lalo na sa serbisyo sa taumbayan.