ANG bampira ay mula sa mga pamahiin, alamat at malikhaing imahinasyon ng Slavs or Slavic people. Ang Slavs ay mula sa lahi ng Indo-European. Sila ay mga katutubo na naninirahan sa Central at Eastern Europe. Marami sa kanila ay matatagpuan sa Russia, Ukraine, Bulgaria, Slovakia, etc. Sa kasalukuyan ay kumalat na ang kanilang lahi sa lahat ng sulok ng mundo. Ang Slavs na nakatira sa Europe ay karamihang Romano Katoliko o Eastern Orthodox. Ang iilang Slavs na naging Muslim ay nakatira sa Bulgaria at Pomaks.
Ayon sa alamat, ang bampira ay taong namatay na ngunit nabuhay sa hindi maipaliwanag na dahilan. Sa gabi siya nabubuhay at naghahanap ng taong mabibiktima upang sipsipin ang kanyang dugo. Ang dugo ng taong buhay o dugo ng hayop (kung walang-wala nang makuhang biktima) ang bumubuhay sa bampira. Sa pamamagitan ng pagpapasahan ng kuwento, ang alamat ng bampira ay kumalat na buong daigdig, kasama ang Ireland. Mula sa alamat ng Slavic people, ang mga kuwentong bampira ay lalong nabigyan ng sigla at kulay nang isilang si Dracula mula sa mapanlikhang panulat ni Bram Stoker, isang Irish. Ang nobelang Dracula ay nalathala noong 1897. Ang karakter na Dracula ay hindi orihinal na likha ni Bram Stoker dahil hinango lang ito sa essay na sinulat ni Emily Gerald noong 1885, ang “Transylvania Superstition”.
Ang bampira ay may iba’t ibang anyo depende kung saang bansa nanggaling ang alamat. Ang bampirang kamukha ni Dracula na maputla, may matutulis at mahahabang kuko at may pangil ay mula sa Transylvania, isang region sa Romania. Ang bampira sa Bulgaria ay may isang butas ng ilong. Sa Russia, ang nagiging bampira ay dating mangkukulam noong nabubuhay pa siya na kumalaban sa Simbahan. Nang mamatay at muling nabuhay ay naging bampira na siya. Sa Egyptian mythology, ang bampira ay nagngangalang Sekhmet, isang Diyosang nauuhaw lagi sa sariwang dugo. Mula sa mga Tsino, ang isang bangkay na tinalunan ng pusa o aso ay muling mabubuhay at magiging bampira na siya.
(Itutuloy)