EDITORYAL – Tutulan ang taas-pasahe ng MRT at LRT
MARAMI ang tumututol sa pagtataas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT). Kabilang dito ang ilang senador at kongresista. Hindi raw dapat magtaas ng pasahe ang MRT at LRT sapagkat hindi maayos ang serbisyo. Pero “tayngang-kawali” ang pamunuan ng MRT/LRT at ganundin ang gobyerno sapagkat sa Enero 4, 2015 ay ipatutupad na umano ang pagtataas ng pasahe. Ayon sa report, 50 perent ang itataas sa pamasahe. Noon pa raw dapat isinagawa ang pagtataas subalit pinigilan ng pamahalaan.
Kawawa naman ang mga sumasakay sa MRT at LRT. Mabigat na pasalubong sa 2015. Isasabay din sa pagtataas ng singil sa tubig at iba pang bayarin. Wala sanang problema kung magtaas ng pasahe, pero dapat tumbasan nila nang magandang serbisyo.
Madalas nang magkaaberya ang MRT. Pinagtitiisan ng mga pasahero ang madalas na pagtirik habang nasa gitna ng biyahe. Wala lang mapagpilian kaya tinitiis na lang nila ang masamang serbisyo. Araw-araw ang mahabang pila para makakuha ng card. Idagdag pa ang pag-usok at pagkalas ng bagon at pabigla-biglang pagpreno ng operator. Ang matindi ay ang nangyari noong nakaraang Agosto nang sumalpok at lumampas sa barrier ang tren ng MRT sa EDSA-Taft Station. Sa lakas ng impact, 36 na pasahero ang nasugatan. Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, human error ang dahilan kaya lumampas sa barrier.
Tinatayang 500,000 ang sumasakay sa MRT araw-araw. Nagtitiis sila kahit masama ang serbisyo. Maganda pa ring sumakay dito kaysa mga bus na dalawa hanggang tatlong oras naiistak sa trapik sa EDSA.
Makonsensiya naman ang pamunuan ng MRT at pati ang gobyerno sa balak na pagtataas ng pasahe. Bago magtaas, siguruhin na maganda ang serbisyo sa publiko. Hindi makatarungan ang pagtataas na binabalak.
- Latest