EDITORYAL – Depektibo ang MRT pero magtataas ng pasahe

KUNG kailan bumaba ang presyo ng gasolina saka naman hihirit nang pagtataas ng pasahe ang Metro Trail Transit (MRT). Nasa 50 hanggang 87 percent ang itataas ng pasahe at magsisimula umano sa Enero 4, 2015. Walang problema kung magtaas ng pasahe ang MRT pero sana naman ay maging makatwiran. Sana, inisip muna ng MRT management kung dapat nga ba silang magtaas.

Depektibo na ang mga train ng MRT at kailangan nang igarahe. Madalas nang magkaroon ng aberya. Ilang taon nang nagtitiis ang mga pasahero sa pagsakay sa MRT. Wala lang pagpilian kaya tinitiis na lang ang mahabang pila, pagtirik habang nasa kalagitnaan ng biyahe, pag-usok ng bagon, pagkalas ng bagon at pabigla-biglang pagpreno ng operator. Ang matindi ay ang nangyari noong Agosto nang sumalpok at lumampas sa barrier ang tren ng MRT sa EDSA-Taft Station. Sa lakas ng impact, 36 na pasahero ang nasugatan. Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, human error o kapabayaan ng drayber ng MRT ang nakitang dahilan nang paglampas sa barrier.

Nakakabahala na ang mga nangyayari sa MRT at mahuhulaang hindi na sumasailalim sa regular maintenance ang mga tren. Nakikita rin na tila walang kakayahan ang mga drayber ng MRT sa pagpapatakbo o wala na silang pakialam kung sumadsad o bumangga ito. Ilang taon na ang nakararaan, nagkabanggaan ang dalawang tren sa North Edsa sapagkat nagti-text umano ang drayber ng isang train at hindi napansin ang kasalubong na train.

Ang MRT ang may pinakamaraming pasahero araw-araw. Tinatayang 500,000 ang sumasakay dito. Tinitiis nila ang mahabang pila makasakay lang sapagkat ito lamang ang transport system na mabilis makarating sa paroroonan. Mas magandang sumakay dito kaysa mga bus na natatrapik sa EDSA. Okey sa mga pasahero na magtaas ng pasahe pero sana naman, pagbutihin ang serbisyo. Huwag isubo ang buhay ng mga pasahero sa kapahamakan. Bago magtaas, siguruhin muna ang kaligtasan at wala nang mahabang pila para lamang makasakay.

Show comments