ISANG linya ng mga produktong pampaganda ang inilunsad sa India. Katangi-tangi ang mga produkto dahil mayroong dalawang kakaibang sangkap: dumi at ihi ng baka.
Ang mga produkto ay ipinagbebenta ng Visha Hindu Parishad, isang non-governmental organization (NGO) na layong tulungan ang mga magsasaka sa India na may mga alagang baka. Sa pamamagitan ng pagbili nila ng mga dumi ng baka na dagdag-kita sa mga magsasaka, inaasahan ng grupo hindi na kakailanganin ng mga magsasaka na ipagbenta ang kanilang mga baka dahil sa kakulangan ng pera.
Naisip nilang gumamit ng ihi at dumi ng baka bilang sangkap sa mga produktong pampaganda mula sa Ayurveda na tradisyunal na paraan ng panggagamot sa India. Ayon kasi sa Ayurveda, epektibo ang mga ito sa pagpapaganda ng balat. Naisipan nilang maglunsad ng isang linya ng mga produkto na gawa sa dumi at ihi ng baka dahil alam nilang sa panahon ngayon, wala nang basta-basta susunod sa turo ng Ayurveda at magpapahid ng ihi at dumi ng baka sa kanilang balat.
Kasama sa mga produktong ipinagbebenta ng grupo ay ang beauty soap na may sangkap na aloe vera, almond oil, at ihi ng baka. May ipinagbebenta rin silang shower gel at moisturizing cream na pawang may kahalo namang dumi ng baka. Ipinagmamalaki ng NGO ang mga natural na mga sangkap na kanilang ginagamit sa paggawa ng kanilang mga produkto.
Sinisigurado naman ng Visha Hindu Parishad na hindi kailangang mag-alala ng mga mamimili sa amoy ng kanilang mga ipinagbebenta. Lahat daw ng mabahong amoy ng mga sangkap na kanilang ginagamit ay nawawala dahil sa pinagdadaanang proseso ng mga ito upang magawa ang finished product.