KARANIWAN na ang pagsasagawa ng fasting sa iba’t ibang relihiyon ngunit katangi-tangi ang sinaunang ritwal sa India na kung tawagin ay ‘Santhara.’
Kakaiba ang Santhara dahil nagiging sanhi ito ng daan-daang pagkamatay ng mga Indian taun-taon dahil sa labis na pag-aayuno na kaakibat nito. Ang ritwal na ito ay parte ng relihiyon na Jainism na isa sa pinakamatandang relihiyon sa mundo.
Marami ang namamatay dahil sa Santhara dahil ang sumasailalim sa ritwal na ito ay kailangang mamanata na hindi sila kakain hanggang sila ay mamatay. Madami rin ang namamatay sa Santhara dahil karaniwang mga may malubhang sakit o iyong mga naghihingalo na ang sumasailalim sa ritwal. Ang Santhara kasi ay pinaniniwalaan ng mga naniniwala sa Jainism bilang isa sa mga paraan upang mabawasan ang negatibong karma.
Mahalagang pangyayari ang pagsasagawa ng Santhara para sa mga naniniwala sa Jainism kaya madalas ay inilalathala pa sa diyaryo ang pagsasailalim sa Santhara ng isang namamanata. Sa harapan nang maraming tao ginagawa ang pag-aayuno habang ang mga nanonood ay kadalasang nakasuot ng puti bilang tanda ng respeto sa namamanata.
Kontrobersiyal ang Santhara sa India dahil sa dami ng namamatay na namamanata taun-taon. Kamakailan lang ay may nagsampa ng kaso doon upang hilingin sa korte na ipagbawal na ang sinaunang ritwal na sanhi ng pagkamatay ng hindi mabilang na mga tao. Sa kabila nito ay marami pa rin ang naniniwala at sumasailalim sa sinaunang ritwal na Santhara.