HULI na nang malaman ng Department of Foreign Affairs (DFA) at tanggapan ni Vice President Jejomar Binay ang kinasapitan ng OFW na si Carlito Lana sa Riyadh, Saudi Arabia. Pinugutan na pala ito. Iginawad ang parusa kay Lana, 37, noong nakaraang Biyernes dakong 1:30 ng hapon.
Sabi ng tagapagsalita ng DFA, hindi nila inaasahan na ganoon kabilis ang paggagawad ng parusa kay Lana. Sabi naman ni Binay na tumatayong presidential adviser on overseas Filipino workers, ipinagbigay-alam lamang daw sa kanyang tanggapan ang nangyari kay Lana, isang araw makaraan itong i-execute.
Ayon sa report, inakusahan si Lana sa pagpatay sa amo nitong si Nasser al-Gahtani, 65-anyos noong 2011. Si Lana ay nagtatrabaho bilang tagaalaga ng tupa. Ayon sa report, binaril umano ni Lana ang amo at pagkatapos ay sinagasaan. Pero ayon sa interbyu sa mga magulang ni Lana, pinipilit umano ito ng amo na si Al-Gahtani na pagdasalin at nang ayaw sumunod, tinutukan ng baril. Nag-agawan sila sa baril at pumutok. Tinamaan ang amo. Bumulagta. Sa pagtakas, minaneho umano ni Lana ang sasakyan at nasagasaan ang nakabulagtang amo. Nadakip ng mga pulis si Lana at inamin ang pagkakasala.
Hindi pumayag ang pamilya ng biktima na patawarin (tanazul) si Lana sa pamamagitan nang pagbibigay ng blood money. Hanggang sa huling sandali umano ay nanindigan ang pamilya na huwag patawarin si Lana. Iyon ang naging daan para ibaba ang hatol sa OFW.
Sabi ng pamilya ni Lana at ng Migrante International, hindi nabigyan nang sapat na tulong ang OFW. Bakit napakabilis ng paglilitis? Bakit mabilis ang pagpugot.
Kung pagbabasehan ang mga kuwento, lumalabas na nagtanggol lamang si Lana sa sarili kaya napatay ang amo. Nabigyan kaya talaga siya ng patas na trial? Binigyan ba siya ng abogadong magtatanggol? Binisita ba siya ng Phillippine Embassy officials?
Sabi naman ng Malacañang, hindi raw pinabayaan ng pamahalaan si Lana. Tinulungan daw nila ito. Ginawa ang lahat nang paraan.
Iyon ang sabi nila. Wala nang magpapatunay nito sapagkat napugutan na ang OFW.