Kapag may problema
KAPAG may problema, anong ginagawa mo? Umiinom at nagda-drugs para makalimot o nagdadasal para humingi ng kasagutan.
Bakit ba nagkakaproblema at ano ba ang problema? Para sa akin, ang problema ay mga pangyayaring hindi natin inaasahan, hindi nakaayon o taliwas sa plano natin at mga bagay na ayaw natin pero nangyayari. Kung may isang bagay na nakatulong sa akin upang mag-iba ang aking pananaw sa problema, ito ay ang pagkakaroon ng tunay na Diyos na inaasahan kong magdadala ng aking mga kargo para sa akin.
Sabi nga sa CCF, having God does not guarantee a life without problems. Bahagi ng buhay ang problema. Pero kapag may Diyos ka lahat ng problema, ano man iyan, siguradong hindi ka nag-iisa sa pagharap ng mga ito at lahat ay kakayanin mo, dahil Sa Kaniya.
Sa totoo lang, simple lang ang buhay. Kung lamang hindi sinusubok ng mga taong pakialaman at gawin ang lahat, hindi tayo mahihirapan. Minsan kasi may mga bagay na wala na sa kontrol natin pero sinisikap pa rin nating galawin. Lalo lamang tayong nanlulumo, nadi-disappoint at napu-frustrate. Pero kung alam natin na may mas malaki at mas makapangyarihang nilalang na in-charge, at may mabuting plano sa atin, magiging panatag ang ating mga kalooban.
Ganito ang aking pamamaraan ng pagharap sa pagsubok ng buhay:
---Ano mang pagsubok at suliranin ang dumating sa akin, matibay ang aking paniniwalang may rason para sa mga iyon. At ang rasong iyon ay para sa ikayayabong ko bilang tao. Siguradong may aral na hangad Siyang mapulot ko.
---Lagi kong pinanghahawakan ang magaganda at mabubuting pangako ng Diyos Sa Akin: na lagi Siyang nariyan at hindi ako pababayaan, na ang best lamang ang nais Niya para sa akin, at anuman ang harapin ko ay hawak Niya ang kamay ko, na mayroon siyang takdang panahon para sa lahat ng bagay; at higit sa lahat, ibibigay Niya ang anumang kailanganin ko upang malampasan ang aking hinaharap. Kung alam mo ang mga pangako ng Diyos, ano mang unos ang dumating sa iyo siguradong kakayanin mo. Dahil ang iyong seguridad at pag-asa ay nakatali Sa Kanya at hindi sa mga tao at pangyayari. Whatever happens, you have peace and joy because you are with the Lord.
Sabi rin Niya sa Bibliya, hayaan mong problemahin ng iyong mga problema ang sarili nila. Huwag kang mag-alala, nandito Ako para sa mga hindi mo na kaya. Hindi kita bibigyan ng hindi mo kayang kargahin. Nandito ako.
Kaya kung may problema ka, itaas mo lang ang mga ito sa Kanya sa pamamagitan ng dasal at hayaan ang Diyos na maging Diyos sa buhay mo. Aba kung ganito naman ang mga pangako sa iyo ng Nasa Itaas, mamomroblema ka pa ba? Hayaan mo lang Siya. Hindi ka Niya pababayaan.
- Latest