Ngayong pumasok na ang buwan ng Disyembre inaasahan ang pagtaas ng mga aksidente sa lansangan, kaya nga ngayon pa lang nagpapaalala na ang mga kinauukulan para sa ibayong pag-iingat.
Sa buwang ito, nandyan na ang kabi-kabilang mga pagpa-party at mga dadaluhang mga okasyon ng marami nating mga kababayan.
Kaalinsabay nito, ang mga inuman na ito ang siyang madalas na pagmulan ng malalagim na mga aksidente sa lansangan.
Matindi ang babala ng mga awtoridad tungkol sa pagmamaneho ng lasing.
Hindi nga ba’t sa mga rekord ang drunk driving ay isa sa pangunahing dahilan ng matitinding trahedya sa lansangan. Sinasabayan pa ito madalas ng over-speeding.
Malalagim ang naitatalang mga aksidente sa daan at sa tantiya nasa 50 aksidente ang nagaganap sa mga lansangan sa Metro Manila araw-araw.
Bukod sa over-speeding at drunk driving, ang ilan pa sa sanhi ng ganitong mga trahedya ay paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, hindi tantiyado o masamang pagliko, overtaking at kabilang pa rin dito ang depektong mekanikal sa sasakyan at poor maintenance nito.
Kabilang pa rin ang kakulangan ng kaalaman sa pagmamaneho.
Kung kondisyon naman ang sasakyan, dapat kondisyon din ang driver.
Isa pa sa nagiging sanhi ng aksidente sa daan ay ang inaantok at problemadong mga driver.
Kailangan ang ibayong pag-iingat, wag magmaneho ng lasing o nakainom; wag magmaneho ng inaantok at wala sa kondisyon, wag gumamit ng cellphone habang nagda-drive.
Huwag naman sanang maging pasaway sa pagmamaneho, laging isipin ang kaligtasan ninyo at maging ng kapwa ninyo.