Sakripisyo

ANG nakababatang pari ang nagmisa ngunit ibang pari ang ni-request niyang magsagawa ng sermon. Ipinakilala ng nakababatang pari ang bisita niyang matandang pari sa mga tao at ipinaliwanag sa mga tao na ito muna ang magsesermon. Sa halip na magsermon, isang kuwento ang isinalaysay ng matandang pari:

Masayang namamangka ang mag-ama kasama ang best friend ng anak nang bigla na lang salubungin sila ng isang malaki at nagngangalit na alon. Sa kasamaang palad ay tumaob ang bangka at lumutang-lutang ang tatlo. Ang ama lamang ang marunong lumangoy sa tatlo kaya’t nasa kanyang kamay ang kaligtasan ng dalawang bata—anak niya at kaibigan nito. Ngunit isa lang ang puwedeng iligtas ng ama dahil magkalayo ang puwesto ng dalawang bata.

Sa pagtataka ng kaibigan, siya ang iniligtas ng ama at hindi ang sarili nitong anak. Nang maiahon ng ama sa pampang ang kaibigan ng anak ay nilamon na ng malaking alon ang sarili niyang anak. Nang mahimasmasan, tinanong ng kaibigan ang ama kung bakit siya ang iniligtas ng ama sa halip na sarili nitong anak. Ito ang paliwanag ng ama:

“Ang aking anak ay matagal nang kinilala ang Diyos bilang kanyang Panginoon at tagapagligtas samantalang ikaw ay hindi naniniwala sa Diyos. Kung mamamatay ang aking anak ay natitiyak ko na maganda ang kanyang magiging kalagayan sa kabilang buhay. Gusto kong magkaroon ka pa ng tsansang kilalanin ang Panginoong Diyos.”

Mabuti naman at hindi nasayang ang pagsasakripisyo ng ama sa buhay ng kanyang anak dahil nang magtagal ay naging­ isang mabuting Kristiyano ang kaibigan ng kanyang anak. End of the story.

May isang lalaking hindi naniwala sa kuwento ng ma­tandang pari. Bola lang daw iyon. Kaya’t pagkatapos ng misa ay nilapitan niya ang matandang pari na noon ay kausap ang nakababatang pari na siyang namuno ng misa kanina.

“Father paano mo mapapatunayan na hindi ka nambo­bola kanina sa iyong sermon. Kathang-isip mo lang iyon, ano?”

“Aba totoo ang lahat ng aking kuwento. Ang kaibigang tinutukoy ko na iniligtas ay siya (itinuro ang nakababatang pari) at ang amang nagligtas ay ang aking kapatid”. Sabay turo sa isang matandang naka-wheel chair. “Habang hinihila niya ang kaibigan ng kanyang anak ay nahagip ng pating ang kanyang kaliwang paa. Milagro at nakuha niyang makalayo kaagad sa pating hanggang sa makarating sa pampang.”

Show comments