NOONG minsan ay nakasakay ako sa traysikel. Bukod sa akin, may mag-ina pang nakasakay dito. Habang tumatakbo nang mabagal ang traysikel dahil matrapik, ay napatapat kami sa isa pang traysikel na ang isang batang pasahero ay kaklase pala ng batang kasakay ko. Nagkawayan at nagngitian ang dalawang bata. Napansin iyon ng nanay ng batang kasakay ko kaya nag-usisa sa anak:
Sino ‘yun?
Classmate ko po.
Hmmm…Parang namumukhaan ko ang classmate mo…teacher ba ang mama niya?
Opo
Matalino? Dapat… dahil teacher ang nanay niya.
Bobo po Mama. Laging siya ang may “lowest grade” sa exam.
Napatingin sa akin ang ina. Napangiti. Gumanti rin ako ng ngiti.
Kilala ko ang batang pinagkukuwentuhan nila…lalo na ang inang teacher ng batang bobo ayon sa batang kasakay ko sa traysikel. Na-ging teacher siya sa school na pinanggalingan ng aking mga anak.
Throwback 90s.
Habang hinihintay ko ang aking anak sa may lobby ng school ay natanaw ko ang isang titser na may isinusulat sa bulletin board. Hindi ko na matandaan ang kumpletong isinulat sa board pero may dalawang word siyang isinulat na mali ang spelling: Sa halip na “announcement”, isinulat niya ay “anouncement” ; sa halip na “tomorrow”, isinulat ay “tommorow”. Parang may problema siya sa mga word na may double letter.
Isang grade four student ang napadaan at pumansin sa maling ispeling pero tinarayan pa ito ng: “Alam ko ang ginagawa ko, ‘wag mo akong pakialaman”. Nasa loob na ng classroom ang titser nang mapadaan ang principal. Kumunot-kunot ang noo sa nabasa sa bulletin board. Kaso walang tao sa lobby. Kaming mga nanay na nakaupo sa may di kalayuan ang napagtanungan ng nagugulahang principal: “Nakita ba ninyo kung sino ang nagsulat dito sa bulletin board?” Nagtanguan kami. Sinabi namin kung sino. Hindi na namin alam ang sumunod na eksena. Ang natatandaan ko, inilipat ko ng school ang aking mga anak nang sumunod na school year.
Ang teacher na nalilito sa ispeling ng “tomorrow” at “announcement” ay walang iba kundi ang ina ng bobong classmate ng batang kasakay ko sa traysikel.