DATI ay mga doktor at narses lamang ang karaniwang kumukuha ng blood pressure (BP). Pero iba na ngayon. Marami na kasing miyembro ng pamilya ang naturuang kumuha ng tamang blood pressure kahit na wala silang medical background. Maigi namang development ito sapagkat mas nagiging mahigpit ang control natin sa ating blood pressure. Mahalaga ito lalo na kung kumpirmadong may alta presyon na ang isang tao.
Sphygmomanometer ang tawag sa aparatong ginagamit natin sa pagkuha ng blood pressure. May tatlong anyo ito: may klaseng “mercurial” sphygmomanometer (ito ’yung klase na nabubuksan at naitatayo, kung saan kitang-kita nating umaakyat ang kulay-silver na mercury kapag binobomba ang aparato); may klaseng “aneroid” sphygmomanometer (ito naman ’yung isinasabit sa braso), at ang “digital” sphygmomanometer (kayang ikabit kahit mag-isa lamang; de-baterya). Sa lahat ng klaseng ito, ang “mercurial sphygmomanometer” ang sinasabing pinaka-accurate. Katunayan, kapag gusto naming makatiyak sa BP reading, ito ang ginagamit nating panukat. Kung nagdududa sa BP reading ng aneroid type, ang mercurial type ang ginagamit.
Ngayon, dahil sa marami ng available na digital sphygmomanometer, kayang-kaya na nating i-monitor ang ating sariling blood pressure. Upang makatiyak tayo na accurate ang pagsukat ng ating blood pressure, makatutulong na tandaan ang sumusunod:
Huwag sukatin ang inyong BP kapag pagod pa o katatapos lamang maglakad o magtrabaho. Maupo muna at magpahinga sa loob ng 5 minuto bago kunin ang inyong BP. Kung lalampas pa ng 5 minuto ang pamamahinga, ok lang din.
Huwag agad-agad susukatin ang inyong BP hustong paggising sa umaga. Hintayin munang maging aktibo sa loob ng isang oras o higit pa bago kunin ang BP.
Kung binabalak mag-ehersisyo, huwag gawin ang pagkuha ng BP matapos mapagod sa pag-eehersisyo. Mas maipapayong kunin ang BP bago pa magsimulang mag-ehersisyo.
Huwag magtaka kung bakit iba-iba ang reading ng inyong BP sa buong maghapon. Ito ay sapagkat sadyang nagpapabagu-bago ang ating BP. Normal na pangyayari ’yun sa ating katawan.
Mapapansin na medyo mas mataas ang BP reading sa umaga kumpara sa dakong hapon o gabi. Iwasang magpakuha ng BP sa umaga.
?Ikabit nang buong-ingat ang sphygmomanometer cuff sa braso. Huwag masyadong mahigpit, huwag naman masyadong maluwag. Puwedeng tumaas ang BP reading sa higpit nang pagkakakabit ng naturang “cuff.”
Naaapektuhan ng ating mood ang ating BP reading. Kung malungkot o kung naging “abala” sa buong maghapon, asahan lamang na posibleng tumaas ang BP. Kung masaya ang disposisyon sa buhay, hindi apektado ang BP.
Bumisita muna sa toilet bago magpa-BP. Kapag puno ang ating pantog (urinary bladder), natural lang na medyo mataas ang ating BP reading. Umihi muna.
Kung katatapos lamang kumain, maghintay muna ng 30 minuto bago magpa-BP. Ganun din ang dapat gawin kung katatapos lamang manigarilyo o uminom ng alak. Tumataas kasi ng konti ang BP matapos kumain, manigarilyo, at uminom ng alak.
Mag-ingat ng isang maliit na notebook at doon ilista ang nakukuhang BP reading. Dalhin sa doctor ang naturang notebook upang makita ng doctor ang trend ng iyong BP.