Mapagsamantalang taxi driver, nandyan na naman
Hindi lang ang kapulisan ang dapat na umalerto ngayong holiday seasons, kailangan na rin ang masusing pagbabantay ng mga tauhan ng LTO at maging ng LTFRB laban sa mga pasaway at nananamantalang mga taxi driver.
Eto ha, ang dami nating natanggap na mga sumbong tungkol sa mga nagbabalatuba na namang mga taxi driver na komo nga in demand na naman sila sa ganitong panahon, ayun talamak na naman ang pangongontrata sa mga pasahero.
Marami na rin ang tumatanggi at namimili ng mga pasahero.
Katwiran ng mga ito marami ang nangangailangan sa kanila ngayon kaya ayun, pili dito, kontrata doon ang ginagawa.
Payo nga ng mga kinauukulan sa mga mananakay, kunin ang mga plaka ng ganitong mga pasaway na driver at ireport sa kanila para maaksiyunan.
Maaaring isa nga ito sa paraan para makasuhan ang mga ito, lalu na kung magtitiyaga ang complainant na matutukan ang kaso.
Kaya nga lang ang siste dito, dahil malaking abala sa mga biktima lalu pa nga at alam nilang matagal pang proseso ang pagdadaanan bago maparusahan ang kanilang inirereklamo, pinapalampas na lang.
Ang resulta, hindi nadadala at tumitigil sa kanilng pananamantala ang mga ganitong driver. Paulit- ulit sa kanilang modus.
Dapat dito magpakalat ng mga tauhan ang mga nabanggit na ahensya para siyang magbantay sa mga balatubang driver.
Makikita naman agad ang mga driver na kapag pinara ng mga pasahero , titigil nga pero imbis na pinto ang buksan, bintana ang ibababa. Tatanungin ang pasaheo kung saan. Madalas kontrata ang gusto at kapag di pumayag ang pasahero aarangkada na at hindi ito isasakay.
Maraming ganito sa mga lansangan at madali namang makita dapat doon pa lang maaksiyunan na .
Darami pa ang ganito sa mga lansangan lalu ngayung papalapit na ang kapaskuhan.
Kailangan talaga na maproteksiyunan ang mga mananakay sa ganitong pananamantala kaya dapat ang masusing pagtutok at pagbabantay ng mga kinauukulan.
- Latest