CONGRATS kay Sr. Supt. Junel Estomo sa pagkahirang sa kanya bilang bagong provincial director ng Cavite noong Biyernes. Hindi bakasyon ang pinuntahan ni Estomo kundi trabaho dahil nandoon siya sa pugad ni Cavite Gov. Junvic Remulla, ang spokesman ni Vice Pres. Jojo Binay. Tiyak maraming utos dito kay Estomo ang Camp Crame na sa konting pagkakamali lang niya ay sa kangkungan siya dadamputin. ‘Ika nga mga kosa, maaring maipit sa nag-uumpugang bato si Estomo kapag patuloy ang iringan ng Liberal Party at kampo ni Binay, di ba mga kosa? Sa parte naman ng peace and order, walang problema itong si Estomo dahil kilala naman siya bilang hardworker. Maniniwala lang ako na ang tamang landas ang tinatahak ni Estomo kapag naipasara niya ang puesto-piho na pergalan ni Tessie Rosales sa palengke ng Silang, ang kay Jessica sa Salitran at stoplight sa Dasmariñas at ang kay Sonny Atienza sa palengke ng Naic. Anong say kaya rito ni Caloy Colanding? Malalaman natin sa susunod na mga araw kung may bayag ang mag-among Estomo at Colanding laban sa pergalan nina Tessie, Jessica at Sonny. Boom Panes!
Sa totoo lang, maraming opisyal ng pulisya ang naiinggit kay Estomo sa pagkahirang niya bilang Cavite PD. Hamakin n’yo, nagkalat sa Camp Crame ang mga opisyal na mga senior pa kay Estomo subalit hindi sila makakuha ng PD position dahil wala silang padrino. Pero si Estomo, na dating comptroller ng Police Regional Office 1 (PRO1), ay tinawag lang ni Dep. Dir. Gen. Marcelo Garbo sa opis niya at presto naupo na kinabukasan sa Cavite. Sobrang suwerte talaga nitong si Estomo dahil prime post itong Cavite, ayon sa nahakbangan niyang mga opisyal na nakausap ko. Sa totoo lang, itong si Estomo ay miyembro ng PMA Class ’92 samantalang may mga miyembro pa ng PMA Class ’86 na hindi pa nakapag-PD o city director man lamang. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang suwerte lang ‘yan!
Kung sabagay, pangalawa lang si Estomo sa Class ’92 na naging PD. Ang nauna sa kanya ay si Sr. Supt. Bernard Banac ng Sorsogon. At dahil sa paglisan ni Estomo sa dating puwesto n’ya, apat pang classmate n’ya ang natirang comptroller ng PNP, kabilang na sina Sr. Supt. Paco Francisco ng Caraga at Sr. Supt. Westrimundo “Patrick” Obinque ng PRO3, ang paboritong “whipping boy” nang nasirang Col. Ronnie Navarro sa larong basketball. Subalit may miyembro pa ng klase na budget officer, tulad nina Sr. Supts. Signey Hernia ng DCA at Gil Francis Tria ng DCO. Teka nga pala, ‘wag nating kalimutan ang classmate nila na si Sr. Supt. Ronald Lee, ang hepe naman ng Task Force Tugis, na direkta sa opis ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Hehehe! Halata na ba na PR ang dating nitong kolum ko, ha mga kosa?
Sino kaya ang kandidato ng klase sa pagka-PNP chief? Nakupoooo! Matagal pa ang kasagutan sa tanong na ito! Tumpak!
Pero itong Class ’92 ang tinitingnan ng PNPA graduates dahil sila ang pinakahuling graduates ng PMA na pumasok sa PNP. Sa paglisan ng Class ‘92 ng PNP, free-for-all na ang mga PNPA graduates sa paggapang para maging PNP chief.
‘Wag sanang kalimutan ni Estomo ang hamon ko na ipasara ang pergalan nina Tessie, Jessica at Atienza. Abangan!