Sariling tibok ng iyong puso maaaring marinig sa pinaka-tahimik na silid sa mundo
ISANG silid sa Minneapolis, USA ang tinanghal ng Guinness Book of World Records na pinakatahimik na silid sa buong mundo. Ang silid, na tinatawag din bilang ‘anechoic chamber’, ay halos 100 porsiyentong sound-absorbent. Ibig sabihin, hindi kumakalat ang ingay sa loob ng silid dahil sinasalo ng mga espesyal na pader na ito ang mga tunog na manggagaling sa loob nito.
Napapalibutan ang mga pader ng silid nang makapal na fiber glass na pangunahing materyales na nakakatulong sa pagiging lubhang tahimik ng silid.
Sa sobrang tahimik sa loob ng silid, maaring marinig ang sariling tibok ng iyong puso. Bukod dito ay maari ring marinig ang paggalaw ng iyong baga at ang pagkulo ng sikmura. Wala kasing ibang tunog na maririnig sa loob ng napakatahimik na silid kaya magagawang marinig kahit ang mga pinakamahihinang tunog na ginagawa ng ating mga lamanloob.
Kakaunti ang nakakatagal sa loob ng silid. Ayon sa mga nakasubok nang manatili sa loob, nakakabaliw ang lubhang katahimikan nito. Pinatotohanan naman ito ng mismong gumawa ng kakaibang silid na si Steven Orfield. Sanay na raw kasi tayong makarinig ng tunog kaya talagang matutuliro ang sinuman na biglang makaranas nang lubhang katahimikan.
Marami nang mga kompanya ang nagrerenta sa kakaibang silid na itinayo ni Steven. Isang kompanyang gumagawa ng motor ang ginamit ang silid sa kanilang pagsasaliksik kung paano gagawing mas tahimik ang mga motorsiklo na kanilang ibinebenta. Nirerentahan din ng NASA ang silid upang mapaghandaan ng kanilang mga astronaut ang nakabibinging katahimikan sa kalawakan.
- Latest