ISANG taon na ang nakalilipas nang humagupit sa bansa ang Tphoon Yolanda na kumitil nang maraming buhay at sumira ng ari-arian.
Sa trahedyang tumama sa Kabisayaan, particular sa Samar at Leyte ay hindi naman lingid sa kaalaman na agad umaksiyon si Pres. Noynoy Aquino.
Isang araw bago nanalasa ang bagyong Yolanda, ipinadala pa ni P-Noy sina DILG secretary Mar Roxas at Defense secretary Voltaire Gazmin upang personal na silipin ang aktuwal na sitwasyon sa lugar na tatamaan ng bagyo.
At tulad ng naitatak na sa kasaysayan, grabe ang naging mabagal na pag-aksiyon at pagresponde ng gobyerno sa mga biktima ng kalamidad.
Mismong ang international media sa pamamagitan ng mga kilalang personalidad ay nagpatunay kung gaano kabagal ang gobyerno sa pag aksiyon at matulungan ang mga biktima.
Ang masaklap pa, mismong ang mga biktimang residente ay nagkagulo at katunayan ay pinasok na ang lahat ng mga establisimento na naglalaman ng pagkain at inumin. Pansamantalang nawala ang law and order dahil mismong ang mga lokal na opisyal at kagawad ng pulisya ay biktima din ng kalamidad kaya hindi agad nakaganap ng tungkulin.
Magandang pagkakataon sana kay Roxas na maipakita at maiparamdam kung gaano katatag at kalawak ang personal na kakayahan nito sa pagresponde at pagtulong sa mga biktima ng trahedya.
Pero nalantad sa lahat na nabigo si Roxas dahil sa kapalpakan sa dagliang pagbibigay ng tulong sa mga biktima. Ang matindi pa, lumipas ang isang taon ay marami pa rin ang umaangal at tila hindi pa rin nabigyan ng solusyon ang mga problema.
Hindi na siguro kailangan pang isa-isahin ang mga nangyaring kapalpakan na dapat ay agad na nasolusyunan ni Roxas.
Nagkaroon nang malaking pag-asa ang mga kababayan natin na biktima matapos na bumaha nang napakaraming tulong mula sa international community na nagbigay ng tulong pinansiyal at kagamitan.
Pero ang malaking tanong ay nasaan na napunta ang nasabing malaking pondo at nasaan na rin ang pangakong tulong sa maraming biktima na ngayon ay patuloy na dumadanas nang matinding paghihirap.
Sa trahedya sa Yolanda ay nasa desisyon na ng taumbayan kung sakaling kumandidatong presidente si Roxas sa 2016 presidential elections. Pagkakatiwalaan pa ba ito na hawakan ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno? Ang mamamayan ang dapat magpasya.