Manong Wen (103)
“BAKIT hindi ka makapagsalita, Princess?” tanong ni Jo na noon ay halos nakadikit na kay Princess.
“Ha? A e kuwan. Hindi ako makapaniwala, Jo. Kasi’y parang binigla mo ako. Hindi ko inaasahan ang ganito.’’
“Gusto kong malaman kung mahal mo rin ako, Princess?”
“Naku! Ano, kuwan…’’
“Bakit natataranta ka Princess? Gusto kong malaman kung mahal mo rin ako. Mahal mo ba ako?’
Hindi makapagsalita si Princess.
“O baka dahil mayroon ka pang pagmamahal sa Chester na gumagawa ng problema sa ‘yo?”
“Paano mo nalaman ang tungkol sa Chester na yun?”
“Nakabantay nga ako sa inyo, araw at gabi. Wala kang maililihim. Narinig ko ang pinag-uusapan n’yo ni Precious.”
“Ah kaya pala alam mo ang pangalan ni Chester.’’
“Naging siyota mo ba si Chester?”
“Oo. Pero sandali lang. Walang kuwentang lalaki ’yun. Aba gusto ba naman akong reypin. Ipinagsama ako sa bahay nila at ipakikilala raw ako sa mga magulang yun pala may masamang balak. At saka pinaibig ako dahil nakikipagpustahan pala sa mga ka-frat niya. Hayup talaga. Minsan nga habang nagtitinda ako ng bibingka e sinundan ako. Gusto yatang makipagbalikan. Nang sabihin kung huwag siyang magpumilit aba at ayaw akong tantanan. Binunot ko ang patalim sa bilao at inambahan ko ng saksak. Natakot ang hayop.’’
“So hindi mo na siya gusto?”
“Oo naman. Hindi ako gugusto sa isang walanghiya, adik, rapist at kung ano pa.’’
“Sino ang gusto mo?’’
Napangiti si Princess.
“Sino ang gusto mo?”
“Yung guardian angel ko.’’
“Sino yun?”
“Sino pa, e di ikaw.’’
Tuwang-tuwa si Jo.
“Mahal mo ako?’’
“Oo.”
Idinikit ni Jo ang mukha kay Princess. Nasamyo ang bango.
(Itutuloy)
- Latest