EDITORYAL – Tuloy ba ang debate?
HINDI mapilit si Vice President Jejomar Binay na dumalo sa hearing ng Senado. Maski ang pag-anyaya ni Sen. TG Guingona ng Senate blue ribbon committee ay tinanggihan niya. Walang pagbabago sa kanyang paninindigan na huwag dumalo. Namaos lamang sina Senators Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes IV sa pag-iimbita pero walang paki si Binay. Bakit daw siya dadalo gayung nakikita na naman kung ano ang gagawin ng mga senador sa kanya. Hihiyain siya. Pagbabantaan. At bakit daw siya dadalo gayung may prejudgement na. Ano pa ang iimbestigahan kung mayroon nang hatol. Idinagdag pa ng Vice President na ano pa raw ang itatanong ng mga senador sa kanya gayung naitanong na lahat at iyon ay mga nasagot na. Personalan na raw ang nangyayari. Moro-moro na lamang daw ang lahat. Nagha-hallucinate daw ang mga nag-aakusa sa kanya.
Pero sa kabila nang pagtanggi niya na dumalo sa hearing ng Senado, matindi naman ang hamon na ibinalik niya sa mga nag-aakusa. Hinamon niya si Sen. Antonio Trillanes IV ng debate. Ginawa ni Binay ang hamon makaraang magsagawa ng ocular inspection si Trillanes at media sa umano’y farm nito (Binay) sa Rosario, Batangas. Napatunayan marahil ni Binay na mali si Trillanes nang sabihin na airconditioned ang mga piggery sa farm. Inako naman ng isang businessman ang pagmamay-ari sa farm.
Tinanggap naman ni Trillanes ang hamon ni Binay. Game daw siya, sabi ng senador. Inaayos na ng kampo ni Binay ang araw at lugar na pagdadausan ng debate. Ayon sa report, ang Kapisanan ng Brodkaster sa Pilipinas ang nag-offer na mag-oorganisa sa event.
Pero tila nawawala na ang ingay tungkol sa debate. Tuloy pa ba ito? Maganda kung matutuloy ang debateng ito. Dito ganap na mauunawaan ng taumbayan ang mga isyung bumabalot sa mga inaakusa kay Binay. Magiging malinaw ang lahat at maaaring mawakasan na ang isyu na ilang buwan nang namamayani sa bansa. Sikapin lamang na ang debate ay hindi mahahaluan ng kaguluhan. Maaaring magsimula ang gulo sa supporters ng dalawang nagdedebate. Hayaan sina Binay at Trillanes ang magpalitan ng opinyon at kanilang depensa.
- Latest