EDITORYAL - Mag-ingat sa sunog
WALANG pinipiling panahon ang sunog – mapatag-ulan man o mapatag-init. Kinakailangan ang lubusang pag-iingat para maiwasan ang mapaminsalang sunog. Huwag hayaang mauwi sa abo ang mga pinaghirapan at higit sa lahat pag-ingatan ang buhay.
Kahapon, isang sunog na naman ang sumiklab sa Doña Imelda, Quezon City na tumupok sa maraming bahay. Umabot sa dalawang oras ang sunog. Wala namang namatay o nasugatan. Isang babae ang naghihinagpis sapagkat katatapos lamang daw niyang ipagawa ang kanyang bahay at tutupukin lamang daw pala. Pinag-ipunan nila ang pagpapagawa subalit apoy lamang daw ang makikinabang. Ayon sa report, naiwanang kandila ang dahilan ng apoy.
Bago ang sunog sa Quezon City kahapon, isang sunog ang naganap sa Binondo, Maynila noong Undas na ikinamatay ng apat na katao — ang ina at tatlo niyang anak. Nakulong sa kanilang barung-barong ang mga biktima. Natagpuang magkakayakap ang mga biktima. Kandila rin na naiwang may sindi ang dahilan ng sunog. Nasa 100 pamilya ang apektado ng sunog.
Nagkaroon din ng sunog sa Pembo, Makati City noong Linggo na ikinamatay ng isang 26-anyos na lalaki. Hindi pa matiyak ang dahilan ng sunog.
Ngayong panahon ng Kapaskuhan, marami ring nagaganap na sunog. Karaniwang dahilan ang mga depektibong Christmas light na nabibili sa bangketa at hindi dumaan sa quality control. Dahil mura ang mga Christmas light, maraming bumibili at huli na para malaman na takaw-sunog ang mga ito. Sunog mula sa depektibong Christmas light ang ikinamatay ng anak ni dating House Speaker Jose de Venecia. Nasunog ang bahay ng Speaker dahil sa palamuting depektibong Christmas light na kumalat umano hanggang kurtina.
Dobleng pag-iingat ang kailangan upang hindi mabiktima ng sunog. Kahit anong panahon ay maaaring magkasunog. Huwag maging biktima.
- Latest