Manong Wen (99)

NAKOKONSENSIYA si Jo habang pinanonood si Princess sa pagbibihis nito. Ayaw niyang gawin iyon pero hindi niya mapigil ang sarili. Pakiramdam niya ay nagkakasala siya kay Princess. Parang hindi niya ito iginagalang. Kapag nahuli siya ni Princess, baka mawalan ng tiwala sa kanya. Baka itanong nito sa kanya, bakit kailangang silipan niya. Kung totoong mahal­, bakit kailangang bastusin. Bakit hindi siya magtapat ng pag-ibig sa dalaga? Bakit hindi subukang ligawan para malaman ang tunay na damdamin?

Pero gaya nang unang naisip niya, baka hindi siya type ni Princess. Baka pagtawanan lamang siya nito. Baka pagsalitaan siya nang masakit. Ah, Princess!

Muli niyang sinulyapan si Princess. Napakaganda talaga nito. Walang kakupas-kupas. Walang kapingas-pingas. Ah, Princess, hanggang kailan ako magtitiis, bulong niya sa sarili.

At ipinas­yang huwag nang tingnan pa ang kagandahan ni Princess. Tama na. Hindi na siya mangangahas. Pa­ngako niya sa sa­rili, igagalang na si Princess. Hindi na siya magtatangka. Mag-iisip siya ng paraan kung paano malalaman ni Princess ang damdamin.

Tumalikod siya para lumabas na sa bahay. Iyon na ang huli niyang pagsilip sa kagandahan ni Princess. Sana sa muli niyang pag­silip, mayroon nang pagpayag o  consent ni Princess. Pero paano mangyayari iyon ay saksakan siya ng pagka­torpe. Wala siyang lakas ng loob.

Humakbang siya pa­labas. Pero bago siya nakalabas, may matitigas na bagay na nakadiin sa kanyang likuran. Matigas na matigas na para bang isasaksak kapag kumilos siya nang masama!

(Itutuloy)

Show comments