PERSONAL na inaarok ni Supt. Johnny Ormi, ng Office of Internal Security (OIS) ng DILG ang tabakuhan sa Calabarzon area dahil sa tingin n’ya nabubukulan siya ng mga kolektor niya. Noong Martes, kausap ni Ormi si Christopher Mendoza, alyas Topher, sa isang food chain sa Robinson’s Lipa City para ma-centralize ang parating sa opisina ni DILG Sec. Mar Roxas. Si Mendoza mga kosa ay ang pinakamalaking bookies operator ng Small Town Lottery (STL) sa Lipa City. Ang nagbigay ng datus o listahan ng mga gambling operators sa Calabarzon kay Ormi ay si PO3 Antolin “Jhong” Valera, ang bagman naman ni Batangas PD Sr. Supt. Jireh Omega Fidel. Hindi alam ng mga kosa ko kung magkano ang tara ni Ormi sa tulad ni Mendoza at mga kasama niyang bookies operators subalit sinisiguro ko na hindi na siya mabubukulan pa, di ba boss Ariel – Molly Acuña? Boom Panes!
Sinabi ng mga kosa ko na ang tropa ni Acuña ang kinuha ni Ormi para ikolekta ng lingguhang intelihensiya ang opisina ni Roxas. Subalit naramdaman ni Ormi na hindi dinideklara ng tropa ni Acuña ang kalahatang parating nga. Natural! Kasi nga, ang tropa ni Acuña ay matagal nang nangingitlog sa Calabarzon area at alam nila na hindi arok ni Ormi ang kalakaran doon kaya sinuba nila ito, di ba mga kosa? Kaya may tampuhan sa ngayon si Ormi at ang tropa ni Acuña at ang kinalabasan, itong una na ang umiikot sa kalye para abutin ang kinukunan ng tropa ni Acuña ng grasya. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ’yan!
Kaya’t hindi na pala nangri-raid ang OIS laban sa mga pergalan nina Tessie Rosales at alyas Jessica ay dahil “sarado” na ang pag-uusap nila ng bagman ni Roxas na sina Jun Milan at Tony Ching. ’Ika nga, may parating na sina Aleng Tessie at Jessica kay Roxas kaya full blast na ang operation nila. Kung nais patunayan ni Ormi na hindi sila “patong” sa operation ng pergalan sa Calabarzon, naririto ang mga puwesto ni Tessie. Sa Batangas sa area ng kumare niyang si Gov. Vilma Santos ang pergalan ni Tessie ay sa Batangas City, yung malapit sa munisipyo sa Mataas na Kahoy, sa San Carlos sa Lipa, sa paradahan ng Dagatan, at sa Bgy. San Carlos sa Rosario.
Sa hurisdiksiyon naman ni Laguna PD Sr. Supt. Florendo Saligao ang mga puwesto ni Tessie ay sa Bgy. San Lucas 1; Bgy. San Anton; Bgy. Paseo de Escudero sa likod ng Jollibee; Bgy. Sta. Isabel, Sementeryo Luma; Mall 3 mesa; Bgy. San Francisco; Bgy. Concepcion, at Bgy. Kalian, lahat sa San Pablo City, at sa Pacita complex sa San Pedro. Ang pergalan naman ni Jessica ay sa Salitran at sa stoplight sa Dasmariñas, Cavite. Tiyak tatahimik lang sina Fidel, Saligao at Ormi sa mga pergalan nina Tessie at Jessica dahil nagkalaman na ang kanilang bulsa, di ba mga kosa? Tiyak ’yun! Hehehe! Pitsa-pitsa lang ang laban ng mga pulis natin sa ngayon, ’di ba mga kosa?
Kung sabagay, kung si Aleng Tessie ang tinaguriang Reyna ng pergalan sa Calabarzon, si Vicky Quiroz naman ang sa Central Luzon. Abangan!