ISANG siyudad sa ilalim ng lupa ang natuklasan sa Turkey nang aksidenteng mahukay ng isang lalaki ang sikretong lagusan patungo roon.
Sabi ni Mustafa Bozdemir, nililinis niya ang ibabang bahagi ng bahay nang mahukay ang sekretong tunnel. Ayon pa kay Mustafa, minana raw niya ang bahay sa kanyang mga magulang limang taon na ang nakakaraan. Nililinis umano niya ang bahay bilang paghahanda sa renovation nito.
Nang siyasatin niya ang tunnel, nagulat siya nang maalaman na papunta ito sa isang sinaunang siyudad na nasa ilalim ng lupa.
Simula nang matuklasan ni Mustafa ang tunnel, gumastos na siya ng 80,000 euros upang mahukay ang underground city.
Nasa 4,000 square meters na ang natutuklasan mula nang simulan ang paghuhukay at pinaniniwalaang marami pang bahagi ng underground city ang madidiskubre sa hinaharap.
Kinontak na ni Mustafa ang lokal na pamahalaan ng kanyang bayan upang ipaalam ang kanyang natuklasan. Ayon sa mga paunang pagsusuri, panahon pa ng mga Romano ang sinaunang siyudad na natuklasan ni Mustafa.
Bagamat kakaiba ay hindi na bago sa Turkey ang pagkakatuklas ng isang sinaunang siyudad sa ilalim ng lupa. Noong 1963 ang sinaunang siyudad ng Derinkuyu na nasa ilalim ng lupa ay natuklasan din matapos madiskubre ng isang lalaki ang isang tunnel sa kanyang bahay na papunta sa underground city.