Bulag-bulagan

NAGSASAYANG lang ng oras at laway itong si Sec. Mar Roxas dito sa weekly meeting n’ya sa mga top police commanders sa Metro Manila para mapababa ang crime rate sa metropolis. Kung anu-ano na kasi ang inisip na estratehiya o pamamaraan nitong tropa ni Roxas subalit hindi naman bumababa at tumataas ang crime rate sa Metro Manila. Sa totoo lang, nand’yan lang sa tabi-tabi nina Roxas at mga kapulisan natin ang solution para mapababa ang crime rate subalit nagbubulag-bulagan pa sila. Bakit hindi matanggap nina Roxas at PNP officials natin na ang solution para mapababa ang crime rate ay ang pagsara ng naglilipanang pasugalan sa Metro Manila. Itong mga pergalan at video karera ang primary na dahilan kung bakit lumalala ang datus sa robbery, theft at snatching, di ba mga kosa? Kung tutuusin, kumikita ng limpak-limpak na payola ang mga district at station commanders dito sa pergalan at video karera subalit isinusuka rin nila sa paghuli ng mga kri­minal na itong mga pasugalan ang nagtulak, di ba mga kosa? Ang pagsara ng pasugalan ay dapat kay Roxas magsimula dahil pati mga mayors at iba pang pulitiko ay nakikinabang din dito. Kahit gusto man ng PNP na ipasara ang mga pasugalan kung ayaw ng mga mayor at pulitiko ay wala silang magagawa. Dahil ang mga district directors at station commanders sa Metro Manila ay mga appointee lang ng mga mayors? Get’s n’yo mga kosa?

Hindi na tayo lalayo pa kung gusto ni Sec. Roxas ng ehemplo. Ito kasing sidewalk casino sa Pinatubo at West Point Sts., sa Cubao, Quezon City ay halos isang buwan nang sarado. Kahit itanong mo kay Cubao Station chief Supt. Wilson de los Santos, t’yak sasabihin niya na bumaba ang kriminalidad sa naturang mga lugar mula masara itong sidewalk casino. Tahimik na kasi ang bangketa doon ’di tulad nang dati na puno ng tao kasi nga tataya sila sa sidewalk casino. At higit sa lahat, ang kita ng mga vendors doon ay naiuwi na nila sa kani-kanilang pamilya at wala na rin silang utang sa mga Indian loan sharks. T’yak ‘yun!

Kaya para lalong tumahimik itong Metro Manila, dapat walisin ni NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria itong mga pergalan ni Mrs. Roa sa Parang, Marikina; ni Popoy sa Sta. Ana, Makati City at ni Adrian sa Pilar Village sa Las Piñas City. Sa totoo lang, ninanakaw ng mga pergalan ang mga hard-earned money ng mga Pinoy dahil masyadong maliit ang tsansa nilang manalo dahil lima ang sa mga financiers at isa lang sa mananaya. At kapag dinale pa sila ng magnet, goodbye lalo sa tsansa nilang manalo, ’di ba mga kosa? Kung kaya ni De los Santos na ipasara itong Cubao, bakit ang mga hepe ng Makati, Marikina at Las Piñas, hindi? Boom Panes!

Kung tahimik ang Cubao bunga sa pagkasara ng sidewalk casino, ibig sabihin n’yan bababa ang crime rate ng Metro Manila kapag nawala ang pergalan at video karera, ’di ba mga kosa? Wala ka namang gagawin Sec. Roxas Sir kundi paigtingin lang ang umiiral na “no take” policy mo sa pasugalan! Abangan!

Show comments