Tuwing sumasapit ang ber months, naglalagay ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga Christmas lane partikular sa EDSA na wala naman akong makitang katuturan.
Kung nagagawa ito ng ahensya, bakit hindi nila magawa ang pagtatalaga ng mga permanenteng carpool lane kung saan mas marami ang makikinabang.
Ito ’yung daanan ng mga sasakyang may sakay na dalawa o tatlong katao pataas. Istrikto itong ipatutupad tuwing rush hour katulad sa mga mauunlad na bansa tulad ng Amerika.
Sinuman ang papasok sa carpool lane na mag-isa lang sa minamanehong sasakyan, papatawan ng karampatang parusa.
Matagal ko nang paulit-ulit na binabanggit at tinatalakay. Isa ito sa mga sagot sa lumalalang problema sa trapiko sa bansa.
Nitong Biyernes, habang papunta ako sa istasyon para sa aking programang BITAG Live, kapansin-pansin ang mga sumasalubong o nagka-counterflow na mga sasakyan sa northbound lane o kalsadang papunta sa Monumento.
Hinati ito sa dalawa. Nagsimula sa bahagi ng Mandaluyong hanggang sa may bandang Makati. May mga sumasalubong na sasakyan habang nakabantay ang ilang mga unipormadong enforcer ng MMDA.
Subalit, wala man lang nakalagay na karatula kung para saan ang “espesyal na daan” na ito o kung tawagin ay “zipper lane.”
Ang punto dito, bagamat hindi malinaw kung eksperimento lang ba ang zipper lane na ito o kung ano ang totoong kabuluhan, kung kaya din lang naman palang maglagay ng ganitong daanan para sa mga “espesyal” at “piling indibidwal,” dapat maglagay na lang ang MMDA ng carpool lane.
Kung talagang gugustuhin na mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila, gagawa at gagawa ng paraan ang pamahalaan. Maaaring matagalan ang implementasyon, pero pangmatagalan naman itong solusyon.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.