Ambisyon ni Binay, namemeligro
MALAYO pa ang presidential elections pero nauna nang nagdeklara si Vice President Jejomar Binay na kakandidatong Presidente.
Dahil wala namang mabibigat na isyu noon na nauugnay kay Binay, maaga itong nanguna sa mga survey na kung magdadaos na ng eleksiyon sa bansa, siya na ang mananalo bilang pangulo hanggang siya ay maging popular sa lahat ng mga pulitiko.
Kaya naman ang ilang nakapali-gid sa Vice President, kung umasta ay sigurado na silang mananalo si Binay.
Pero biglang nagbago ang ihip ng hangin dahil sa isinagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon subcommittee. Nalantad sa publiko ang mga umano’y anomalya ni Binay sa Makati.
Matapos ang ilang pagdinig ng Senado, nabunyag ang umano’y overpriced na Makati parking building kung saan, bilyong piso umano ang naibulsa ng mga Binay.
Bukod pa ito sa iba pang proyekto sa Makati City na pinaghihinalaan ding batbat ng anomalya. Ang pinakamatinding tumama kay Binay ay nagmamay-ari raw ito nang malaking hacienda sa Batangas.
May nag-aalinlangan sa alegasyon pero may naniniwala dahil ang nagbunyag ay si dating Vice Mayor Ernesto Mercado kilalang malapit sa pamilya Binay. Nagresulta ito ng malaking pagbagsak ng ratings ni Binay sa mga survey.
Namemeligro na maunsiyami ang ambisyon ni Binay na ma-ging Presidente dahil nagmamatigas na humarap sa Senado upang sagutin ang mga akusasyon sa kanya.
Sa Social Weather Stations (SWS) survey, mayorya ng mga Pilipino ang nagnanais humarap si Binay sa Senado para sagutin ang paratang.
Kung hindi pakikinggan ni Binay ang publiko, baka malagay sa balag ng alanganin at madiskaril ang ambisyong maging Presidente.
- Latest