NAGBABANTA ang mga dayuhang imbestor sa pagtaas ng presyo ng mga produkto lalo na ngayong “ber” months.
Sanhi ito ng pagkatengga ng mga container van sa mga pier na in-import mula sa iba’t ibang bansa.
Mismong ang business community na kinabibilangan ng American, Japan, European, Canadian Chambers at iba pang mga chamber ang nagsabi nito.
Kawalang-koordinasyon sa pagitan ng lokal at nasyunal na pamahalaan ang sinisisi ng mga imbestor sa problemang ito.
Hindi na bago ang isyung ito. Dati pa, paulit-ulit ko na itong tinatalakay at sinasabi sa aking programa. Ang kawalang-sistema ng mga nangangasiwa sa departamentong nakatalaga dito.
Walang malinaw na foresight o pangmatagalang plano at pananaw ang mga namumuno para masolusyunan ang lumalalang trapiko. Kaya ang laging sumasalo ng problema, ang mga mamimili, ang publiko.
Malaki ang papel na ginagampanan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa problemang ito.
Ito ang pinakamahalagang departamento ng pamahalaan. Dito nakasalalay ang paggalaw ng ekonomiya. Dito nakasalalay ang komersiyo sa pag-usad ng mga produkto. Kung sa salitang englis, “when there’s no movement, there’s no commerce.”
Hangga’t walang maayos na sistema ang nasyunal na pamahalaan sa lumalalang trapiko at sumisikip na lansangan, apektado ang lahat ng aspeto sa buhay ng mga mamamayan.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.