MATAGAL nang nariri-nig na dudurugin at pupulbusin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Abu Sayyaf.
Napakinggan na rin na dudurugin at pupulbusin ang mga ito sa panahon ng Ramos administration. Lumala ang pangingidnap ng Sayyaf sa panahon ng Estrada administration hanggang Arroyo administration.
Maraming pera na ng taumbayan ang naubos sa Sayyaf at higit sa lahat ay ang pagbubuwis ng buhay ng mga sundalo at sibilyan.
Sa panahon ng Estrada administration, sumikat nang husto ang Sayyaf at nalantad sa buong mundo dahil sa pagkidnap at paghingi ng ransom sa mga dayuhan.
Hindi puwedeng balewalain ang Sayyaf dahil namumugot ito ng ulo ng kanilang bihag kapag hindi naibigay ang hinihinging ransom.
Naunang naglunsad nang matinding operasyon ang militar laban sa Sayyaf at dito narinig na dudurugin at pupulbusin ng militar ang bandido.
May mga napatay sa mga matataas na lider ng Sayyaf at ang buong akala ng lahat, tapos na ang problema rito.
Pero ngayon, naging aktibo na naman ang Sayyaf na ang pinakahuli ay ang pagkidnap sa dalawang Germans. Pinalaya ang Germans noong Biyernes. Ang masaklap, sinabi ng AFP na mayroon pang mga dayuhang bihag ang Sayyaf.
Ang tanong ay bakit patuloy na nakakapangkidnap ang Sayyaf samantalang ang buong akala ng lahat ay durog na ang mga ito gaya ng mga naunang deklarasyon ng gobyerno.
Dapat doblehin ng AFP at iba pang law enforcement agency ang pagsisikap para madurog ang Sayyaf, at higit sa lahat, papanagutin ang mga sibilyan at grupo na pumuprotekta sa mga ito.
May mga ulat na karamihan sa Sayyaf ay may mga kamag-anak sa rebeldeng grupo na madalas pagtaguan ng mga ito kapag tinutugis ng militar. Nalalagay sa balag ng alanganin ang tiwala sa kakayahan ng AFP kung bakit hindi masugpo ang mga ito.
Makatotohanang paglipol sa Sayyaf at mga kumakanlong ang nararapat ipatupad..