EDITORYAL - May mga ‘buwaya’ sa dalawang pantalan

KORAPSIYON at extortion sa Port of Manila at Ma­nila Internatonal Container Port (MICP) ang ini­rereklamo ngayon ng truckers. Mistulang tirahan ng mga hayok na “buwaya” ang dalawang pantalan sa Maynila.  Ayon sa truckers, kailangang maglagay sa mga “buwaya” para maidiskarga ang container na walang laman. Kung hindi maglalagay, hindi maibababa ang container sa bakuran ng ports at malaking problema ang mga susunod. Kailangang “sumuka” ng pera para maibaba ang empty container. Kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng mga “buwaya” apektado ang kanilang negosyo.

Nagsagawa ng inquiry ang Senado ukol sa nangyayaring corruption at extortion sa dalawang ports noong Huwebes. Ang committee ng Senado na nag-iimbestiga ay pinamunuan ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV. Sumbong ng truckers, kapag hindi nila naibalik at naibaba ang empty container on time, magbabayad sila ng charges. Kailangan ay maibalik ang container sa loob ng 72 oras. Pero ang problema ay hindi nga nila maibaba ang empty container kung hindi maglalagay sa mga “buwaya”. Sasabihin umano ng mga “buwaya” na wala na raw pupuwestuhan ng container pero kung maglalagay, mayroong pupuwestuhan. Ayon kay Melesa “Elsie” Chua, executive director ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce, kailangan pang magbigay ng “under the table fees” para lamang ma-accomodate ang mga walang laman na container. Sobra-sobra na raw ang hinihingi sa kanila. Ayon pa sa mga nadidismayang truckers, may hinihingi pa sa kanilang pang-afternoon snack ang mga “buwaya”.

Akala ng mga nagrereklamong truckers, wala nang magiging problema pagkaraang alisin ang truck ban pero ngayon ay mas matindi pa ang nangyayari dahil sa talamak na korapsiyon at extortion.

Hindi kataka-taka kung tumaas ang presyo ng mga bilihin ngayong Pasko. Ipinapasa ng mga negosyante sa consumers ang nagagastos nila sa produkto habang nasa port. Ang nagagastos nila sa mga “buwaya” ay dapat bawiin sa ibibentang produkto.

Putulin ang pangil ng mga buwaya sa pantalan para hindi makapagsamantala sa truckers. Tapusin ang kanilang kasibaan.

Show comments