‘PHILHEL(P)’

BAWAL magkasakit. Madaling sabihin pero imposibleng gawin kaya naman karamihan sa atin nagtatabi ng konting halaga para pagdating ng panahon meron tayong pagkukunan.

“Masama talaga ang loob ko sa kompanya. Delikado ang lagay ng anak ko pero ang perang kinukuha nila sa akin kada buwan wala pa lang patutunguhan,” simula ni Joselyn.

Namimilipit sa sakit ng tiyan ang anak ni Joselyn Busa, 38 taong gulang, nakatira sa Antipolo. Kalalabas pa lang daw sa ospital ng kanyang panganay na anak nang ang ikalawang anak naman ang nagkasakit. Kwento ni Joselyn labing limang araw nang nagsusuka ang anak na labing-anim na taong gulang. Umiinom lang ito ng Gatorade para hindi ma-dehydrate. “Kapag sinasabi ko sa kanyang magpatingin na kami sa doktor umaayaw siya. Alam niya kasing lubog pa ako sa utang,” ayon kay Joselyn.

Nung una raw inakala nilang simpleng sakit lang ito ng tiyan ngunit nang hindi na huminto ay dun na sila naalarma. “Dinala namin siya kaagad sa ospital para mapatingnan,” kwento ni Joselyn. Habang nasa ospital sila bigla na lang tumumba ang anak. Tinurukan siya ng gamot ng doktor at nilagyan ng swero. “Nakiusap ako, kung pwede charge to bill na muna. Papauwiin daw kami dahil hindi daw yun private hospital. Cash to cash basis daw sila,” salaysay ni Joselyn.

Tinawagan na lang ni Joselyn ang kanyang hipag at humingi ng tulong dun. Isang libong piso ang iniabot nito. “Sumailalim siya sa ilang pagsusuri. Mababa raw ang potassium. Yung huling doktor na tumingin sa anak ko ang nagsabi na kailangang ma-confine para mas mabantayan,” pahayag ni Joselyn. Makalipas ang dalawang linggo, Agosto 8, 2014 nang pauwiin ang kanyang anak. Nagtaka si Joselyn dahil hindi pa gumagaling ang kanyang anak.

“Tinanong ko yung doktor kung bakit papalabasin na kami ng ospital. Wala pa akong nakikitang magandang pagbabago sa anak ko. Sabi niya baka kung anu-ano lang daw ang pinapakain ko kaya hindi makadumi,” kwento ni Joselyn. Habang naglalakad sila palabas ng ospital ay hindi daw tumitigil sa kakasuka ang kanyang anak. May isang doktor ang nakapansin sa kanila at agad niya itong pina-ultrasound.

“Sabi ni Dra. Luna may bumara raw sa bituka ng anak ko kaya hindi nakakadumi. Kailangan daw ma­operahan,” wika ni Joselyn.

Kahit nasa ospital na sila hindi pa umano sila inaasikaso ng mga nars na nandun. Lumapit siya sa isang nars at tinanong niya kung saan pwedeng magreklamo dahil wala man lang umaasiste sa kanila. “Umalis siya saglit tapos biglang may lumapit na isang nars sa amin. Nanghingi siya ng dispensa dahil siya daw ang nakatoka sa ’min. Hindi ko rin makuha ang plaka ng x-ray ng anak ko dahil ang sabi kaila­ngan ko munang magbayad ng Php1,400,” salaysay ni Joselyn. Ipinaliwanag din daw sa kanila ng doktor na kailangang maputol ang bituka ng anak. Kumalat na ang kulani (polyps) dito at kapag hindi naoperahan kaagad ang bata maaari niya itong ikamatay.

“Napakamahal ng kanyang gamot. Isang injection lang Php520 na. May nakapagsabi sa akin na social worker kung miyembro raw ako ng PhilHealth,” salaysay ni Joselyn.

Naalala ni Joselyn na kina­kaltasan sila ng dating pinagta­trabahuhan na Tamaraw Security Service Agency Inc. bilang hulog sa PhilHealth mula 2008 hanggang nung magbitiw sila noong 2013. Bineripika nila ito sa PhilHealth at ayon sa nakausap nila wala umano itong hulog.

“May mga pay slip ako na makakapagpatunay na talagang binabawasan ako. Akala ko pa naman makakatulong ’yun para sa bayarin namin pero hindi naman pala nila hinuhulog,” ayon kay Joselyn. Dagdag pa niya, masamang-masama raw ang kanyang loob sa dating ahensiya dahil sa halip na may makatulong sa kanila sa oras ng kagipitan ay hindi nila ito magamit. “Pareho pa naman kaming walang trabaho ng kinakasama ko ngayon. Kung pupwede sana ibalik nila ang pera ko,” wika ni Joselyn. Umabot na umano sa anim na libong piso ang nahuhulog nila na dapat ay napupunta sa PhilHealth para sa kanyang benepisyo. Maging ang kanyang kinakasama ay ganito rin daw ang problema sa kanilang ahensiya. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag tinatawagan namin ng pansin ang Tamaraw Security Service Agency Inc. para madinig naman ang kanilang panig. Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Joselyn.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, yung pakiramdam na kampante kayo na kapag may karamdaman ang kahit na sinong miyembro ng inyong pamilya ay may masasandigan kayo na magandang programa tulad ng PhilHealth. Kung totoo ang lahat ng sinabi mo sa amin ay malinaw na panloloko ang ginagawa ng inyong dating ahensiya. Meron mga batas na pumoprotekta sa atin na maaari niyong sandigan para sila’y panagutin.

Nagawa nila ito sa inyo sa pag-aakalang maaari silang magpalusot. Ang magandang tanong diyan sa inyo lang ba nangyari ito o baka naman lahat ng kanilang empleyado ay ganito ang kanilang gawain. Ang solusyon dito ay binigyan namin siya ng referral sa PhilHealth kay Ms. Mapeth Varlez, isa sa mga opisyales ng nasabing tanggapan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong­ mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments