ISANG sanggol sa Australia ang himalang nakaligtas matapos mahulog ang sinasakyan nitong stroller sa riles habang may paparating na tren.
Nangyari ang insidente sa Ashburn station sa Melbourne. Makikita sa kuha ng CCTV ng nasabing istasyon ang nanay kasama ang kanyang 6 na buwang sanggol na nasa isang stroller habang naghihintay ng masasakyang tren.
Sandaling nalingat ang nanay kaya hindi niya napansing gumugulong na pala papunta sa riles ang stroller ng kanyang anak. Lalong kinilabutan ang nanay pati na rin ang ibang taong nakakita sa pangyayari nang makita nilang paparating na ang tren sa station.
Wala nang nagawa ang nanay pati na ang ibang nakasaksi nang tuluy-tuloy na dumaan ang tren sa riles kung saan nahulog ang sanggol na nasa stroller.
Nakahinga ang lahat nang malaman na himalang nakaligtas ang bata sa kabila nang nangyari. Bukod sa mahinang pagkakauntog, wala nang ibang tinamong pinsala ang sanggol.
Hindi ito ang unang pagkakataon sa Australia na may nahulog na stroller sa riles kaya plano ng mga kinauukulan doon na baguhin ang disenyo ng mga plataporma sa mga istasyon ng tren upang maiwasan ang mga ganitong insidente.