BINASA ni Princess ang mga nakasulat sa makapal na notebook. Para palang libro iyon na isinulat ng kanyang tatay. Maganda ang pagkakasulat. Malinis na malinis. Hindi lamang ang mga hakbang at pamamaraan sa pag-aaral ng arnis ang naroon kundi pati na rin ang mga personal na karanasan ng kanyang tatay.
Ikinukuwento roon kung paano nagkaroon ng interes sa arnis ang kanyang tatay. Patpating bata raw ang kanyang tatay na laging binu-bully ng kanyang mga kalaro. Minsan ay sinuntok daw ito ng kalaro. Natumba. Payat nga kasi at lampa. Nang akmang lalaban ay muling sinuntok. Walang nagawa kundi umiyak. Wala namang mapagsumbungan dahil wala nang mga magulang. Sabay na namatay ang mga magulang. Lolo at Lola lamang ang nagpalaki sa kanya. Ayaw niyang magsumbong sa kanyang lolo at lola.
Sumunod na araw, hinarang na naman daw ito ng pilyong bata at itinulak. Natumba na naman. Hanggang sa makahagilap ng kapirasong kahoy. Bumangon daw at sinugod ang kalaban. Palo rito palo roon ang ginawa. Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang pilyong bata. Takot na takot na nagtatakbo. Mula noon, hindi na raw siya binully ng bata.
Hanggang sa magkainteres ang kanyang tatay sa arnis mula noon. Nalaman din nito na ang kanyang lolo ay may nalalaman sa arnis at ito na ang nagturo sa kanya. Hanggang sa matuto na.
Ikinuwento rin ng kanyang tatay na may nakilala pala itong OFW sa Riyadh na mahusay din sa arnis kaya lalo pang nadagdagan ang nalalaman. Hanggang sa maabot ng kanyang tatay ang mataas na rank sa arnis. Pinakamagaling pala sa Riyadh. Nananalo sa mga competition doon.
Marami pang karanasan na nabasa si Princess.
Binuklat pa niya ang notebook at nakita ang mga tamang pamamaraan sa pag-aaral ng arnis. May mga drowing pa kaya madaling matututuhan. Naisip ni Princess, dapat simulan na niya ang pag-aaral. Kailangang mapaghandaan ang anumang balak sa kanila ni Chester.
ISANG tanghali, inumpisahan na niyang pag-aralan ang mga nakasulat sa notebook. Sa likod ng bahay siya nagpraktis.
Pero hindi pa siya nagtatagal sa pagpapraktis ay dumating na si Precious mula sa school. Mukhang may nangyari.
“Ate!” Nasabi nito at napaiyak.
(Itutuloy)