Ano ba ang bagyo? Ito ay biyaya
na bigay ng Diyos sa Kanyang nilikha;
Ito’y naglilinis sa bahay ng dukha
at naglilinis din sa mans’yong magara!
Kung kaya sa bagyo di dapat matakot
ang lahat ng taong may takot sa Diyos;
Pero kung ang tao’y may pusong balakyot
biyaya ng langit ay nakatatakot!
Pagdaan ng bagyo mahina’t malakas
ang bayan at nayon di dapat umiwas;
ang marapat lamang ang pusong busilak
sa lakas ng bagyo’y dapat pasalamat!
Kaya itong bagyo kapag dumarating
ito ay biyayang sa langit nanggaling!
Dala-dala nito ay tubig at hangin --
nagbibigay buhay sa mga pananim!