AYON sa mga magsasaka sa isang bayan sa probinsya ng Fujian sa China ay nakatulong ang musika sa pagpapadami ng ani sa kanilang mga bukirin.
Nasabi nila ito matapos tumaas ng 15 porsiyento ang kanilang ani nang magpatugtog sila ng musika malapit sa kanilang pananim. Hindi rin daw inatake ng peste ang kanilang mga bukirin samantalang ang mga magsasaka na hindi nagpatugtog ng musika ay napeste ang mga pananim.
Sang-ayon naman ang mga dalubhasa mula sa isang unibersidad sa China sa pahayag ng mga magsasaka. Ayon sa kanila, totoong nakakatulong ang musika sa pagpaparami ng ani dahil nakaaapekto sa pagtubo ng mga halaman ang mga sound waves na nagmumula sa tugtog ng musika.
Ngunit depende rin daw ang epekto sa klase ng musika na patutugtugin. Mabuti raw ang epekto nito kung katulad ng mga pang-Buddhist na musika, ngunit kung mga maiingay na tugtugin katulad ng rock music ang gagamitin, maaring makasama lamang daw ang mga ito sa mga halaman.
Hindi naman sang-ayon sa pahayag na ito ang isang hardinero mula sa United Kingdom. Ayon kay Chris Beardshaw, mas lalong namulaklak ang mga tanim niyang halaman nang magpatugtog siya ng maiingay na rock music malapit sa mga ito.