HINDI na-“hulidap” ang dalawang biktima sa EDSA, Mandaluyong kundi na-“hulinap” — pinaikli ng “huli at kidnap”. Hinuli sila ng mga pulis at saka puwersahang dinala at pinigil sa police station at saka kinuha ang kanilang P2-milyon. Ang dalawa ay mga empleado umano ng isang construction firm sa Mindanao at kaya nasa Maynila ay para bumili ng mga materyales. Ayon sa report, isang babae ang nag-tip sa mga pulis na may dalang malaking pera ang mga biktima. Isinagawa ang pag-‘hulinap’ noong nakaraang Setyembre 1 dakong alas-dos ng hapon.
Pinalalabas na lehitimong drug operations ang nangyari kaya nagkaroon ng pag-aresto sa mataong EDSA. Pero hindi maitatago ang kabuhungan ng mga pulis sapagkat nakunan ng retrato ang ginagawa nilang pang-“huhulinap”. Malayo sa katotohanan ang sinasabing alibi na iyon ay isang operasyon laban sa illegal na droga. Ang lahat ng kabuhungan ay may katapusan. Salamat sa nagpakalat ng picture sa social media na naging daan para naman kumilos ang marungis na Philippine National Police (PNP) at inaresto ang ilan sa mga nang-“hulinap”. Tatlo na ang nasa kustodiya ng PNP. Ang mga nang-“hulinap” ay nakilalang sina: Chief Insp. Joseph de Vera, Senior Inspector Oliver Villanueva, Inspector Marco Polo Estrera, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Jonathan Rodriguez, PO2 Mark de Paz, PO2 Ebonn Decatoria, PO2 Jerome Datinguinoo at PO2 Weben Masa.
Maaaring marami pang nabiktima ng “hulinap” ang mga pulis. Mas maganda kung lalantad ang mga biktima para maituro ang mga salarin. Kung hindi sila kikilalanin at magsasawalang-kibo na lamang, patuloy ang masamang gawain. Patuloy ang “hulinap”. Kailangang makasuhan at nang mabulok sa bilangguan ang mga “buhong” na pulis. Hindi sila dapat patawarin. Kailangang magdusa sila sa kasalanang ginawa.