‘Text scams’

HINDI pa rin matapus-tapos at wala pa ring tigil ang gasgas ng modus na text scam na nambibiktima ng libu-libong mobile user at subscribers sa bansa.

Sa kabila ng mga babala at anunsyo ng media at ng BITAG Live, marami pa rin ang mga naloloko lalo na ngayong papalapit na naman ang kapaskuhan.

Kung aanalisahin ang laman ng mga ipinapakalat na mensahe, walang pinagbago ang estilo nito simula pa noong nauso ang text messaging. Nagkakatalo lang sa mga pangalan at address ng umano’y mga “nanghihinging” charity, kumpanya at putok sa buhong indibidwal.

Maaaring pamilyar na kayo sa panlolokong ito. Nagpapakilala silang mga abogado, presidente ng isang kumpanya o ‘di naman kaya mga hepe ng tanggapan sa gobyerno at personalidad sa media.

Ako mismo, ilang beses nang nabiktima kung saan ginagamit ang pangalang BITAG at BEN TULFO ng mga kumag na patay-gutom at putok sa buho. Nililinaw ko, hindi ako nanghihingi at nagtatatawag-tawag para makalikom ng pera.

Ang bentahe nila, nagso-solicit ako para sa anniversary ng BITAG, pangkain ng mga staff ko o di naman kaya para daw sa isang shoot kung saan tatawagan nila ang mga mayor dahil lilipad daw ang grupo ng BITAG sa kanilang probinsya. 

Ang problema, ito ring mga tinatawagang mayor, gobernador at hepe ng mga tanggapan ng gobyerno, kuntodo bigay. Hindi muna nag-iisip at nagtatanong man lang. Nahahalata tuloy kung sino sa kanila ang mga tiwali at natatakot dahil may ginagawang kalokohan.

Maliban dito, estilo rin ng ibang mga utak-kriminal na nasa likod ng text scam ang sad­yang panghuhula sa numerong pagpapasahan ng mensahe. Napili daw ang numero ng texter sa isang raffle at nanalo ng limpak-limpak na salapi.

Pero para ma­-claim ang napanalunan, kailangan niya daw munang tawagan ang talpulanong nakalagay dun sa text scam.

Kaya pinapaalalahanan ang publiko, mga kawani at nagta-trabaho sa gobyerno, maging pra­ning sa mga natatanggap ninyong text messages. Dahil kung agad magpapaniwala at isa kang oportunista na nasisilaw agad doon sa sinasabing panalo, tiyak mahuhulog ka sa BITAG ng kanilang panloloko.

Para sa iba pang mga modus tips, mag-log-on sa bitagtheoriginal.com click “MODUS BUSTER.”

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

Show comments