Hindi na mabilang ang mga krimen nasaksihan at nakunan ng mga nakakalat na CCTV hindi lamang sa mga pangunahing lansangan kundi maging sa loob ng ibat-ibang establisimento.
Mistulang mata na sa ibat-ibang dako ang mga nakakabit na CCTV.
Bagamat sa ilang nakunan na mga pangyayari partikular ng krimen ay maagang nalutas, marami pa rin naman na oo nga’t nakita ang pangyayari ay hindi pa rin nabibigyan ng solusyon.
Pero ang kagandahan na rin naman dito, ay nagkakaroon ng lead ang pulisya sa imbestigasyon.
Kamakalawa, malinaw na nakunan ng CCTV sa Zabarte Road sa Brgy. Kaligayan sa Novaliches, Quezon City ang naganap na pagpaslang kay P/ Chief Inspector Roderick Medrano, ng QCPD.
Sa insidente ay masuwerteng nakaligtas ang dalawang paslit nitong anak at misis na sakay din sa minamanehong kotse ng parak.
Kitang-kita kung paano pinagbabaril sa sasakyan ng opisyal hanggang sa bumangga na ito sa gate ng isang bahay na doon pa ito nilapitan ng isa sa mga suspect at muling binaril.
Hagip din ng CCTV ang ginawang pagtakas ng mga hitman na sumakay sa motorsiklo ng isa nilang kasamahan.
Sa ngayon base na rin sa ilang kuha ng CCTV, may lead na ang pulisya sa nasabing kaso.
Hindi lang sa kaso ni Medrano na ang pangyayari ay nakunan ng CCTV na nagkaroon ng lead ang pulisya sa imbestigasyon.
Parami na rin nang parami ang talagang gumagastos para makapaglagay lang ng CCTV, sana ang kasunod na nito ay ang nagbabantay o nakatutok na sa mga nakakabit na CCTV, para lalong mas mapadali ang paglutas sa mga krimen at kaganapang naaktuhan nito.