ISANG bagong klase ng bikini ang nauuso sa China. Kakaiba ito dahil hindi isinusuot sa katawan katulad ng pangkaraniwang bikini. Isinusuot ito sa mukha na parang isang maskara.
Tinaguriang ‘facekini’ mula sa mga salitang face at bikini, ang bagong kasuutang pangligo ay inimbento para maprotektahan ang mukha ng mga lumalangoy sa beach mula sa matinding sikat ng araw.
Noong una, mga matatandang babae lamang sa China na takot magkaroon ng sunburn ang kanilang mga mukha ang nagsusuot ng facekini ngunit ngayon ay umabot na ito sa Amerika kung saan na-feature ito sa isang fashion magazine.
Hindi na kataka-taka ang paglaganap ng pagsusuot ng facekini sa China dahil mahalaga sa kultura ng mga Chinese ang pagpapanatili ng maputing kulay ng balat. Para kasi sa kanila, ang pagiging maputi ay tanda ng pagiging mayaman at pagkakaroon ng magandang kapalaran dahil ang taong may maputing balat ay hindi kailangang magtrabaho sa labas kung saan siya mabibilad sa init ng araw.
Hindi naman lahat ng Chinese ay natutuwa sa ‘facekini’. Sa katunayan, marami ang natatawa sa itsura ng ‘facekini’ dahil mukha raw itong maskara ng mga holdaper ng banko. Ngunit lahat ay sumasang-ayon na walang kapantay ang mga Chinese pagdating sa pag-iwas mula sa init ng araw at sa pagpapanatili ng kanilang mapuputing balat.