Manong Wen (21)

I NABOT na sila ng gabi sa pag-iinuman ng sadiki. Lasing na si Jo. Nagwa­wating-wating na ang kanyang tingin. Hindi naman siya dating umiinom ng alak. Bihira siyang uminom at kung makainom man ay isang boteng beer. Hindi niya akalain na sa Saudi pa makakatikim ng sadiki. Ang pinsan niya ang gumawa ng sadiki. Sideline pala nito ang pagbebenta ng sadiki. Malaki ang kinikita nito sa sadiki. Kuwento ng pinsan niya, balewala ang tinatanggap na suweldo sapagkat mas malaking di-hamak ang kinikita sa sadiki.

Matagal na raw sa Riyadh ang pinsan niya pero noon lang sila nagkita. At nang magkita nga ay inuman agad ang sinabakan niya. Noong una ay kinakabahan siya dahil bawal sa Saudi ang alak. Alam naman niya iyon at madalas ding ipaalala sa kanya ni Manong Wen. Pero ngayong nayaya siya ng mga pinsan, hindi na siya nakatanggi. Bawat tagay ay tanggap siya nang tanggap. Hanggang sa magwating-wating ang paningin niya. Pero kahit ganoon ang nararamdaman niya, malinaw pa rin ang isip niya. Matalas ang pakiramdam niya.

Pero hindi lamang pala alak ang raket ng pinsan niya. Mayroon itong sinindihan habang nasa kalagitnaan ng pag-iinuman. Hinithit ang sinindihan. Halos simutin ang usok. Pagkatapos ay ipinasa sa isa pa. Hitit Ipinasa uli. Hitit. Hanggang sa duma­ting sa kanya. Damo! Kinuha niya. Humitit. Naubo siya sa biglang paghitit. Nagtawanan ang mga pinsan niya. “Dahan-dahan lang,” sabi ng mga ito. Pinasa niya ang damo. Hanggang sa maubos sa kahihitit. Hanggang sa maramdaman niya na parang nakalutang siya. Dinuduyan siya. Parang ang gaan niya. Ang isang pinsan niya ay tawa nang tawa. Ang isa ay kuwento nang kuwento. Iba ang pakiramdam niya. Ganun pala ang damo. Hanggang sa naramdaman niyang umiinit ang kanyang mga mata. Matalas ang pandinig niya. Lahat ay parang nasasagap  niya. Ganun pala ang epekto ng damo.

Hanggang sa makarinig sila ng sigaw mula sa ibaba. “May Hapon! May Hapon!”

Ang Hapon ay mga pulis at motawa! Tiyak na isinumbong sila.

Nagpulasan sila. Kanya-kanyang gawa ng paraan. Siya ay parang nananaginip na hindi malaman ang ga­gawin. Hindi siya maka­kilos! Paano siya tatakas? Baka masalubong niya mga motawa­ sa hagdanan. Delikado siyang mahuli! Makukulong siya!

(Itutuloy)

 

Show comments