BUHUSAN man ng tubig ang nagbabagang bato, ingat ka pa rin hawakan baka malapnos ang balat mo.
“Kapag bumalik ka sa Maimbung papatayin kita!” banta umano kay Bangay ng kanilang bise alkalde.
Hunyo 25, 2013 may mga trabahador sa labas ng bahay ni Bangay. Ang pakay ng mga ito ay gumawa ng kalsada sa lupang malapit sa bahay ni Bangay Kahalan, 47 taong gulang, nakatira sa Maimbung, Sulu. Ang proyektong ito ay pinamamahalaan ng kanilang bise alkalde na si Pandu Murjasam. Sa laki ng magiging perwisyo nito sa kanila nilapitan ni Bangay ang bise alkalde.
“Bakit ka maglalagay ng kalsada hindi ka nagpapaalam sa amin?” tanong ni Bangay.
“Hindi ko na kailangang magpaalam sa ‘yo dahil vice mayor ako,” sagot umano ni Pandu.
“Kahit na ikaw ang nakaupo dapat magpaalam ka sa amin dahil harapan yan ng bahay,” wika ni Bangay. Sa puntong ito nag-utos umano si Pandu sa kanyang mga tauhan na siya’y bugbugin. Pinapabaril pa umano siya nito. Pinalibutan ng walong tauhan si Bangay at umano’y pinagbubugbog. Sinubukan siyang barilin ng isa ngunit hindi pumutok ang hawak nitong baril.
“Suot ko ang anting-anting ko nun na nakuha ko sa ilalim ng dagat. Basta wala kang kasalanan hindi ka papabayaan ni Allah. Hindi din nila ako pinatingnan sa doktor. Nagtawag pa sila ng pulis,” kwento ni Bangay.
Ang Hepe ng Munisipalidad ng Maimbung ang dumating. Dinala daw siya sa Provincial Jail Capitol. Kinulong daw siya ng tatlumpu’t walong (38) araw na hindi siya sinasampahan ng anumang kaso. “Wala man lang due process. Hindi rin nai-blotter ang tungkol sa pagkulong sa akin,” sabi ni Bangay. Kwento pa ni Bangay una silang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan noong 2005 ni Pandu.
“Maglalagay kasi sila nun ng eskwelahan pero idudugtong sa bahay ko. Hindi ako pumayag dahil pag-aari ko ang lupang yun. Bakit nila pakikialaman?” wika ni Bangay.
Nagkaroon ng banta at takot sa bawat pamilya at maging ang mga taong nasa kanilang paligid ay hindi mapalagay dahil sa alitan ng dalawang panig. Matapos ang ilang buwang iringan nagkasundo din sila. Nagkaroon sila ng ‘Peaceful Settlement of Conflict’. Nakasaad dito na upang matigil ang iringan sa pagitan ng kanilang pamilya ay makikipag-ayos sila kina Bangay.
“Nagkasundo na kami na hindi na nila gagalawin ang lupa pero maglalagay naman sila ng kalsada. Ang gusto ko sa pantalan sila gumawa para hindi kami maabala. Yun din naman ang kailangan ng mga tao dun sa ‘min,” salaysay ni Bangay. Ayon pa kay Bangay ang lupang gustong gawing kalsada nina Pandu ay ang bahagi ng dagat na pinatambakan niya. Kung yun daw ang dadaanan ng mga trak at sasakyan may posibilidad na lumubog ito.
“Delikado din kapag ipinilit nila. Isa pa tatamaan ang bahay namin,” wika ni Bangay. Dahil sa pagkakakulong niya nagpunta ng Maynila ang kanyang misis na si Rowena upang humingi ng tulong. Lumapit ito sa Human Rights at tinulungan silang maipalabas ng kulungan si Bangay.
“Natakot na kami sa mga banta nila. Hindi na ako bumalik sa lugar namin at nakitira na lang ako sa pinsan ko dito sa Maynila,” kwento ni Bangay. Maging ang kanyang pamilya ay lumipat na din ng bayan para masiguro ang kaligtasan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Bangay.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung may katotohanan ang lahat ng sinabi sa amin ni Bangay, ‘Serious Illegal Detention’ ang ginawa sa kanya ng kampo ni Pandu. Ito ay dahil ikinulong ng mahabang panahon. Hindi ka binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag at litisin ng korte. Maliban pa dito maaari ka ring magreklamo sa Human Rights dahil nalabag ang karapatan mong pantao.
Kung may mga testigo ka at may mga patunay ka na ikaw ay talagang ikinulong ng mga ito mas magiging matibay ang iyong akusasyon laban sa mga nagpakulong sa iyo. Tinatawagan namin ng pansin si Vice Mayor Pandu Mujasam para maibigay ang kanyang panig. Ang iyong posisyon bilang public official ay inihalal ka ng iyong mga nasasakupan kaya’t ito ay ipinagkatiwala sa ‘yo.
Ang tanging hangad namin ay mailahad ang magkabilang panig at dahil ikaw ay public official di ka dapat balat sibuyas (onion-skinned) sa mga kritisismo o puna na ipinararating sa ‘yo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.