HANGGANG ngayon, wala pang gaanong nakikitang pagbabago sa buhay ng mga sinalanta ng Bagyong Yolanda sa Visayas Region partikular na sa Samar at Leyte. Siyam na buwan na ang nakalilipas pero mabagal ang pagsasaayos ng mga lugar na napinsala. Marami pa rin sa mga nabiktima ang walang sariling tahanan at hanggang ngayon ay nasa mga tent pa. Problema nila kapag tinamaan muli ng bagyo sapagkat papasukin sila ng tubig. Kapag matindi ang sikat ng araw, problema rin sapagkat para silang nasa oven. Ang iba ay hindi na nakapaghintay sa tulong ng pamahalaan at muling tinayo ang kanilang nawasak na tahanan. Katwiran nila, matagal bago makarating ang ayuda. Hanggang ngayon, may mga foreign donors pa rin na walang sawang nagpapadala ng tulong sa mga biktima. Mas mabilis pa ngang makarating ang donasyon ng ibang bansa kaysa pamahalaan.
Itinalaga ni President Noynoy Aquino si dating senador Panfilo Lacson bilang presidential assistant for rehabilitation and recovery o “Yolanda czar’. Pero sa kabila nang kahusayan ni Lacson na makarekober ang mga nasalanta, hindi pa rin ganap ang kanyang ginagawa. Marami pang kulang sa pagsasagawa ng kanyang mga nais gawin. Noon pa mang unang hirangin siya sa puwesto, umapela na si Lacson sa mamamayan na tulungan siya. Hindi raw niya magagampanan nang mabilis ang tungkulin kung wala ang tulong ng mamamayan.
Nang magsalita si Lacson sa isang workshop kamakailan na may kaugnayan sa Climate Change, sinabi niyang limitado ang kanyang tungkulin para ma-monitor ang implementasyon ng P171 billion Yolanda related programs and projects.
Sabi ni Lacson, kailangan pa niya ng karagdagang kamandag at ngipin para ganap na magampanan ang tungkulin sa mga nasalanta. Iisa lamang ang ibig sabihin nito, kulang ang pinagkaloob sa kanyang kapangyarihan. Kailangang dagdagan ng kamandag at ngipin para magampanan ang iniatang. Kung hindi siya tutulungan, kawawa naman ang mga biktima ng Yolanda na matagal nang nagdurusa.