EDITORYAL - Kailan matatapos?
MAGLILIMANG taon na sa Nobyembre 23 ang Maguindanao massacre kung saan 57 katao, 30 rito ay mga mamamahayag ang walang awang pinatay. May kaugnayan sa election ang pagmasaker. Sumama sa convoy ang mga mamamahayag para saksihan ang pagpa-file ng kandidatura ng mahigpit na kalaban ng Ampatuan family sa pagka-governor. Pero bago pa sila makarating sa Comelec office, hinarang na sila ng may 100 armado at pinagbabaril. Namatay sila lahat. Pagkatapos ay inilibing sila sa malalim na hukay gamit ang isang backhoe.
Ang Ampatuan family ang itinurong may kagagawan sa massacre. Inaresto sila kasama ang iba pang suspek. Nakakulong sila ngayon sa Taguig jail habang dinidinig ang kaso.
Pero marami ang nababagalan sa kaso. Maglilimang taon na ang paglilitis subalit wala pang nakikitang pag-asa sa kaso. Marami sa mga kaanak ng biktima ang nahihikayat nang makipag-areglo. Wala raw kasi silang makitang progreso. Mabagal pa sa pagong ang pag-usad ng kaso.
Ngayon ay lalo pang bumabagal sapagkat nag-aakusa ang mga abogado ng massacre victims na may nakatanggap umano ng suhol mula sa Ampatuan family. Ayon sa mga abogado ng massacre victims, tumanggap ng P300 million ang mga prosecutors ng kaso. Una raw inalok sa mga abogado ng biktima ang pera pero hindi nila tinanggap. At nang ialok daw ito sa mga prosecutors, kinagat ang multi-milyong suhol. Pinabulaanan naman ni DOJ Sec. Leila de Lima ang akusasyon. Kaya tiwala raw siya sa prosecutors.
Imbestigahan ang akusasyong ito. Hindi ito simpleng problema lang sapagkat nakasalalay dito ang kahihinatnan ng kaso. Kailangang matapos na ang kasong ito. Dapat maisilbi ang hustisya.
- Latest