BINALIKAN ni Jo sa alaala ang mga panahong magkasama sila ni Manong Wen sa Saudi Arabia. Siya ay clerk samantalang si Manong Wen ay taga-xerox ng mga libro at kung anu-ano pang mga dokumento. Parehong 1,500 Saudi Riyals ang kanilang suweldo. Mas nauna sa kanya si Manong Wen. Nang dumating siya sa Saudi ay naroon na si Manong Wen. At sila ang naging magkaibigan. Kapag wala siyang ginagawa ay pupuntahan niya si Manong Wen sa kuwarto nito at makikipagkuwentuhan. Maraming naikukuwento sa kanya si Manong Wen at karamihan doon ay ang mga nangyayari sa kanilang mga kasamahan na walang taros kung gumastos. Kapag suweldo ay uubusin ang pera sa pagbili ng mga kung anu-ano na hindi naman kailangan. Dahil sa pagbili ng kung anu-ano ay halos wala nang maipadala sa pamilya. Kaya pinayuhan agad siya ni Manong Wen na huwag gagasta sa walang kuwentang bagay. Hindi naman dapat gumastos sapagkat libre ang pagkain nila at tirahan. Sabi sa kanya ni Manong Wen, “Mag-ipon ka nang mag-ipon habang narito sa Saudi. Huwag kang bibili nang hindi kailangan.’’
Pinayuhan din siya na huwag magsusugal. Ayon kay Manong Wen, ang sugal ang sumisira sa buhay ng mga Pilipino sa Saudi. Marami na raw namulubi dahil sa sugal. Ang masakit, ayon pa kay Manong Wen, mayroong nakapatay at may pinatay dahil sa sugal.
Marami pang sinabi, ipinayo at kinuwento si Manong Wen sa kanya, pero ang pinagtataka niya, walang naikukuwento ukol sa pamilya. Hindi ito nagkuwento na may mga anak pala.
At naalala pa ni Jo, nang umuwi ito noon dahil finish contract na, parang malungkot ang ekspresyon ng mukha. Sabi sa kanya, dalawin daw siya sa probinsiya. Ibinigay sa kanya ang address.
Naisip ni Jo, hindi kaya may problema na noon si Manong Wen kaya malungkot. Hindi kaya dahil sa asawa nito. Sabi ng anak na si Princess, iniwan daw sila ng kanilang ina. Sumama kaya sa ibang lalaki?
Sayang at hindi man lang niya nadalaw si Manong Wen. Sana ito mismo ang nagkuwento sa kanya.
(Itutuloy)