MASIRA ka na sa lahat huwag lamang sa pera. Ang taong hindi mapagkakatiwalaan sa pera sa lahat ng bagay damay na. Subalit paano kung ikaw ay pinagbintangan lamang, pinag-initan at hinusgahan na walang sapat na batayan?
Agosto 21, taong 2013, lumapit sa aming tanggapan ang dating inspektor ng Roro Bus Transport Services, Inc. na si Rodolfo “Rudy” Padlan. Siya’y nagsampa ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) hinggil sa paglalabas ng kanyang due process sa paglampas sa kanyang posisyon. Sa pagbabalik tanaw, si Rudy ay nangolekta ng pera mula sa walong units ng bus para sa pagpapagamot ng nabundol na ale noong July 8, 2013 na si Soledad Guttierez sa Bus 308, byaheng Oriental Mindoro-Occidental Mindoro. Nang dahil sa nangyari, tatlo sa maraming trabahador ang nadamay - ito ay sina Erwin Romano, 32, inspektor na naging Operations Supervisor, Ramon Moya-40, at Russel Tano, 44 na mga drayber ng bus.
Ika-3 ng Agosto 2013 nakatanggap ng ‘preventive suspension’ si Erwin. Sinususpinde siya mula ika-5 ng Agosto hanggang Setyembre 5, 2013. Ngunit pinabalik din noong ika-16 ng Agosto matapos ang 15 araw na suspensyon. Ang pagiging pabaya niya umano sa kontrata ng drayber ang isa sa naging dahilan ng pagkakasuspinde. Ang binabantayan niyang bus nun na ang nagmamaneho ay si Joselito Castro ay paso na ang kontrata sa kompanya.
“Di ko talaga alam na Operations Supervisor na pala ako nung mga panahong iyon. Basta ang sabi lang, ako yung in-charge dun sa nasabing bus,” wika ni Erwin. Depensa pa niya, ika-30 ng Enero 2013 nang siya’y atasan ng bagong tungkulin at napaso ang kontrata ng drayber noong ika-22 ng Enero, 2013. Hindi pa daw siya ang namamahala ng mga panahong yun. Kwento ni Erwin ayon umano kay Rudy, ang head ng Finance Department na si Liza Padios ang nag-utos sa kanya. Bukod pa kay Erwin, sina Ramon at Russel ay nadamay din sa pangongolekta lalo pa’t sila’y mga drayber ng nadamay na bus.
“Ilang beses ding nangolekta si Padlan sa bus namin,” pahayag ni Ramon. “Wala din naman akong magawa dahil sabi sa ‘min, sundin daw yung utos ng nakakataas.”
Bukod pa sa pagbibigay ng pera, nasuspinde siya dahil sa pagpapapasok umano ng hindi kilalang tao sa kanilang kumpanya.
“Asawa ko yun. Pumunta siya dun para kunin yung mga labahan ko. At alam naman ng mga tao yun dun,” paliwanag ni Ramon. Hiningian siya ng ‘explanation letter’ hinggil sa pagpapapasok sa kanyang misis. Mayroon lamang 48 oras para siya’y makapagsumite, ngunit dalawang linggo na ang nakalipas nang makarating sa kanya ang sulat. Si Russel din ay isa sa mga nakolektahan noong mga panahong iyon. Gaya ni Erwin at Ramon, siya din ay sumunod lamang sa utos ng nakatataas sa kanila.
“Ang sabi sa ‘kin, kinukuha daw ni Padlan yung mga pera ng mga pasahero sa bus, tapos tatanggapin ni Lamberto Gutierrez,” kwento niya.
Nakasaad sa ilang mga papel na si Lamberto Gutierrez, anak ni Soledad, ang tumatanggap ng mga nakuhang pera. Lahat ng papel na iyon, pirmado ni Lamberto. Tulad ni Ramon, nakolektahan din ng pera ang bus na minamaneho ni Russel, ngunit hindi lang ito ang kanyang naging problema. Hindi daw nakakatanggap ng benipisyo na dapat ay mayroon siya. Ika-22 ng Nobyembre, nasuspinde muli si Erwin dahil umano sa “insubordination to immediate officer” o di pagsunod sa mas nakatataas sa kanila.
“Hindi ko po talaga alam kung bakit ako nasuspinde,” wika ni Erwin. “Lahat naman, sinusunod ko dahil yun ang sabi sa ‘kin - written man o verbally.” Pinababalik siya ng ika-30 ng Disyembre upang magreport sa kanilang tanggapan. Ika-7 ng Enero, tinanggal na si Erwin sa trabaho. Hunyo 4, 2013 nang tawagan si Erwin ng may-ari ng bus company na si Meg Constantino-Montenegro. Doon, sila’y sinabihang tatawagan sila mula dalawa hanggang apat na linggo. Ngunit dumating ang ika-18 ng Hunyo walang tawag mula sa Roro Bus Transport Services, Inc. Nagpasya na silang i-follow up ang sinabi ng may-ari. Ayon sa mga ito wala na daw silang magagawa sa tatlo at bahala na silang gumawa ng legal na aksiyon ukol dito.
Itinampok namin ang istorya nina Erwin Ramona, Russel Tano, at Ramon Moya ng Roro Bus Transport Services, Inc. sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo ang ‘HUSTISYA PARA SA LAHAT’ ng DWIZ882 KHZ, AM BAND (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00 PM at Sabado 11:00-12:00 NN).
DITO SA AMIN SA CALVENTO FILES, may pinanggalingan ang sitwasyon nila Erwin, Ramon, at Russel. Kung titignan ng mabuti, sina Ramon at Russel ay sumunod lamang sa utos ni Padlan na aprubado ng nakakataas. Nakadagdag pa dito ang authorization letter na pinakita ni Padlan. Nais ng tatlo na mabigyan sila ng sapat na proseso at hustisya ang pagtanggal sa kanila sa trabaho maging ang hindi pagbigay ng benepisyo. Kaya naman lumapit sila dito sa aming tanggapan upang humingi ng tulong na maresolba ang kanilang mga kaso. Sila ay ini-refer namin sa National Labor Relations Commission (NLRC) para makapagreklamo at makapagsampa ng kaukulang kaso laban sa kompanya. Maaari ding magsampa si Ramon ng Constructive Dismissal ukol pagpapapasok sa kanyang asawa dahil pinaalam niya naman ito. (KINALAP NI MARIA RAUL CAPALA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang legal maari kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor Citystate Center Bldg., 709 Shaw Blvd., Brgy Oranbo, Pasig City. Maari din kayong tumawag o magtext sa aming 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285/7104038. Sundan kami sa facebook, www.facebook.com/tonycalvento.