EDITORYAL - Marami pa rin ang isinukang basura

MULI, isinuka na naman ng Manila Bay ang maraming basura nang manalasa ang Bagyong Glenda noong Miyerkules ng umaga. Hindi maikakaila ang mga basurang itinapon sa mga ilog, estero at kanal na nagtungo naman sa dagat. Pero gaya ng kasabihang ‘ang basurang itinapon mo ay babalik din sa iyo’, namulaklak na naman sa basura ang dalampasigan na ilang metro ang layo sa Roxas Blvd. Pawang mga plastic bags o shopping bags na iba’t iba ang kulay ang nakita sa kahabaan ng dalampasigan. Bukod sa plastic bags, nakita rin ang mga sirang plastic na silya at planggana, plastic bottle ng softdrink, sachet ng shampoo, coffee at marami pang iba na pawang hindi natutunaw. Marami ring table at putol na kahoy at mga puno ng saging ang nakahalo sa mga basurang plastic.

Walang pagkakaiba ang mga nakuhang basura sa mga nakaraan. Pawang plastic na itinapon ng mamamayang walang disiplina. Sa kabila na marami nang bayan at lungsod ang nagbawal sa paggamit ng plastic bags, marami pa rin ang hindi sumusunod. Patuloy pa rin ang pagsalaula sa kalikasan. Wala pa ring leksiyon na nakuha sa mga nakaraang pagbaha na ang tinuturong dahilan ay ang mga basurang plastic na nagpapabara sa mga daluyan ng tubig. Wala pa ring aral na nakuha kahit maraming pininsala ang Ondoy noong 2009 at ang Habagat noong 2012 na nagpalubog sa Metro Manila. Ayon sa pag-aaral ang mga ba­surang plastic na nakabara sa mga drainage ang dahilan kaya may mga pagbaha. Kaunting ulan lang ay baha na agad sapagkat ang mga plastic na hindi nabubulok ang nakasiksik sa mga daluyan ng tubig. Matuto na sana ang sambayanan. Magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura.

 

Show comments