MATALINO si Carlo. Katunayan ay nagtapos siya ng may karangalan: summa cum laude. Kahit wala pang experience sa pagtatrabaho ay tinanggap kaagad siya ng isang malaking kumpanya at itinalaga bilang supervisor sa isang department.
Okey na sana ang performance ni Carlo dahil mabilis niyang natutuhan ang pasikut-sikot ng trabaho maliban sa relasyon niya sa kanyang mga tauhan. Inirereklamo ng mga tauhan ang kanyang pagiging dominante.
May isang pangyayari na kailangan pa ni Carlo na manakot ng tauhan upang sundin lang siya. Ipenitisyon ng kanyang mga tauhan si Carlo na palitan na ito bilang kanilang supervisor. Bunga nito ay pagbaba ng tiwala ng management sa leadership ni Carlo. Hindi pala sapat ang talino. Kailangan higit sa lahat ang husay sa pakikipagkapwa-tao. Hindi nakayanan ni Carlo ang problema sa kanyang mga tauhan kaya nagpasya itong mag-resign.
Naging aral na ang ganoong pangyayari sa kumpanyang inalisan ni Carlo kaya isang araw ay naisipan ng management na magpaskil ng poster sa bawat sulok ng opisina upang magsilbing paalaala sa lahat lalo na sa mga supervisors hanggang sa may pinakamataas na posisyon. Heto ang nakasaad sa poster:
Mga bagay na dapat tandaan ng mga pinuno ng departamento bago simulan ang trabaho:
1. Limang salita na laging gagamitin: NANINIWALA AKO SA INYONG KAKAYAHAN.
2. Apat na salita na laging gagamitin: ANO ANG OPINYON MO?
3. Tatlong salita na laging gagamitin: PUWEDE BANG MAKIUSAP?
4. Dalawang salita na laging gagamitin: SALAMAT PO.
5. Isang salita na laging gagamitin: TAYO
6. Salitang paminsan-minsan lang gagamitin: AKO