Sanggol, ipinanganak na nakatayo ang buhok matapos tamaan ng kidlat habang nasa sinapupunan
ANG pagkapanganak kay Kimberly Gordon ay itinuturing na isang himala matapos tamaan ng kidlat ang kanyang ina habang siya ay nasa sinapupunan pa lamang nito.
Kabuwanan na sa kanya ng inang si Kendra Villanueva nang ito ay tamaan ng kidlat habang nakaupo sa ilalim ng puno kasama ang kanyang ama. Parehong itinakbo sa ospital ang kanyang mga magulang. Hindi man malala ang naging pinsala ng kidlat sa katawan ng mga magulang ni Kimberly ay nangamba pa rin ang mga doktor para sa kanyang kalagayan sa sinapupunan ng kanyang ina. Dumaloy kasi sa buong katawan ni Kendra ang kuryente kaya malamang na naapektuhan din nito ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Upang masigurado ang kaligtasan ni Kimberly, nagpasya na ang mga doktor na i-caesarean section na si Kendra upang mailuwal na nito ang sanggol.
Naging maayos naman ang panganganak kay Kimberly. Malusog ito.
Sinasabing masuwerte ang mag-ina dahil sa lahat ng mga buntis na tinatamaan ng kidlat sa Amerika, maliit ang tsansa na makaligtas ang sanggol.
Napansin naman ng mga doktor ang isang kakaibang bagay kay Kimberly na pinaniniwalaang dulot ng pagtama ng kidlat: tayung-tayo ang buhok nito na parang laging dinadaluyan ng kuryente. Hindi naman malinaw sa mga doktor kung bakit nagkaganon ang hibla ng mga buhok ni Kimberly.
Dahil sa naging karanasan niya sa kidlat sapol sa kanyang pagkapanganak ay binigyan si Kimberly ng palayaw na Flash na hango mula sa pangalan ng isang sikat na karakter sa komiks na kaapelyido niya, si Flash Gordon.
- Latest